Valentine’s Day babayuhin ni ‘Basyang’

bagyong-basyang

Mananatili pa ang bagyong ‘Basyang’ sa loob ng bansa hanggang Biyernes, Pebrero 16, at maaari pa umanong madagdagan ang mga probinsyang isasailalim sa mga tropical storm warning signal dahil sa mabagal na pagkilos nito na 22 kilometers per hour (kph) patungong kanluran.

Sinabi ni weather forecaster ni Ariel Roxas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), ang sentro ng bagyo ay namataan sa 620 km. silangan, timog-silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur at may lakas na 65kph at pagbugsong 80kph.

Pinaghahanda rin ng Pagasa ang bahagi ng Negros Occidental, Zamboanga del Sur at natitirang bahagi ng Zamboanga del Norte na posibleng madagdag sa tropical storm warning signal.

Asahan din umano ang kalat-kalat na katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Eastern Visayas at Northern Mindanao.

Nakataas pa rin ang Signal No. 1 sa Timog na bahagi ng Samar at Eastern Samar, Leyte, Southern Leyte, Bohol, Cebu, Negros Oriental at Siquijor, sa Dinagat Islands, Surigao del Norte, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Camiguin, Compostella Valley, Davao Oriental, Davao del Norte, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Bukidnon at hilagang bahagi ng Zamboanga del Norte. Habang Signal No. 2 naman sa Surigao del Sur.