Valentine’s wish ni Goitia: ‘Puso para sa Ilog Pasig!’

Nanawagan si Pasig River­ Rehabilitation Comission Execu­tive Director Jose Antonio ‘Ka Pepeton’ Goitia sa mga mamamayan na pusuan ang Pasig River­ at Manila Bay ngayong Araw ng mga Puso.

“Puso para sa Ilog Pasig, iyan ang matagal na naming ipinapa­nawagan sa mga mamamayan mula nang maupo ako sa PRRC,” ani Goitia. “Bagamat may banta kami na mananagot ang mga binansagan naming ‘esterorista’ o ang mga walang habas na nagtatapon ng kanilang basura sa mga estero at iba pang daluyang tubig, nakikiusap kami sa kanila ngayon na pusuan o pagmalasa­kitan ang kapaligiran, lalo ang Pasig River at Manila Bay.”

Ayon kay Goitia, balewala ang pagsisikap ng mga river warrior ng PRRC sa paglilinis ng mga estero kung hindi makikipagtulungan ang mamamayan, partikular ang informal settler families (ISFs) na walang habas kung magtapon ng kanilang basura sa mga daluyang tubig.

“Kaya kung mahal natin si Pangulong Rodrigo Duterte, dapat na sundin natin ang paki­usap niya na mahalin natin ang kapaligiran dahil tayo rin ang makikinabang kung lilinis ang Pasig River at ang Manila Bay,” dagdag ni Goitia. “Kaya nanana­wagan ako sa mga nakatira sa paligid ng mga daluyang tubig, huwag na po tayong magtapon ng anumang basura hindi lamang ngayong Valentine’s Day kung hindi sa habang panahon para sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.”