Valenzuela dineklarang nasa state of calamity

Sinailalim na sa state of calamity ang Valenzuela City dahil na rin sa pagtaas ng bilang ng namamatay at nagkakaroon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Muling nagkaroon ng special session sa city council kahapon ng umaga, kung saan ipinasa ang Resolution No. 1620 na iniakda ni 1st District Councilor Rovin Andrew Feliciano, chairperson ng committee on livelihood, trade, commerce and industry.

Ayon kay Feliciano, inatasan sila ni Mayor Rex Gatchalian na magpasa ng resolution na nagsasaad na isailalim sa state of calamity ang lungsod upang maging handa sa banta ng COVID-19 kagaya ng ibang mga lungsod sa Metro Manila.

Pinawi rin ng konsehal ang agam-agam ang publiko na kaya isinailalim sa state of calamity ang lungsod dahil dinapuan na ng virus sa lugar.

“Wala pa pong naitatala na may taga-Valenzuela na nagkaroon ng COVID-19. Ang atin po ay preparasyon lang at paghahanda sakali mang may nagkasakit na ng ganitong uri ng karamdaman,” Feliciano.

Kaugnay nito, mahigpit na ipinatutupad sa Valenzuela City ang “stay at home” Ordinance No. 670.

Sa nilalaman nito, hinihikayat ang mga residente sa lugar na manatili sa mga tahanan at iwasan munang magtungo sa mga pampublikong lugar simula alas-otso ng gabi hanggang alas-singko ng madaling-araw.

Hindi sakop nito ang mga health worker, awtorisadong opisyal ng gobyerno, mga halal na opisyal ng barangay at iba pang nagtatrabaho sa punong barangay, on-duty na night shift employee, magbibigay ng pangunahing serbisyo, at drivers ng mga sasakyan at nagtatrabaho sa gas station.

Hindi rin kasama sa ordinansa ang mga pupunta sa airport para mangibang bansa, mga papunta o pauwi mula sa trabaho, naglalakbay para sa mga medical at humanitarian reason at skeletal workforce ng pamahalaang lokal.

Sinumang lalabag ay pagmumultahin ng P5,000. Maliban dito, pasado na rin sa konseho ang Ordinance No. 672 na nagbabawal sa gaming, betting at gambling sa lungsod. (O­rlan Linde)