Valenzuela nanguna sa ‘May Balik sa Plastik’ program

Valenzuela nanguna sa ‘May Balik sa Plastik’ program

DepEd, Nestle, Green Antzbuilders sumoporta

Matagumpay ang naganap na “May Balik sa Plastik” program kung saan natuto ang mga residente na ilagay sa tama ang mga basura kasabay ng progra­mang pag-iipon ng mga plastic sachet na maaaring pagkakitaan, ang ginagawa ngayon sa lahat ng barangay sa Valenzuela City.

Ito ang inihayag ni Valenzuela City Mayor Rex Gatcha­lian kung saan ay uma­bot na sa 10 tonelada ang mga naipong plastic sachets at mga karton sa mga barangay mula sa inipon ng mga residente at mag-aaral.

Katuwang ng local government ng Valenzuela na siyang Pilot City ng programa ang Nestlé Philippines, Department of Education (DepEd) at Green AntzBuilders, Inc., na naglalayong mabawasan ang mga plastic waste at mga karton na maaaring gawing bricks at i-recycle naman ang mga karton.

“Nagpapasalamat kami sa Nestlé Philippines dahil bukod sa nabawasan ang plastic waste at nakatulong pa sa mga pamilya sa pamamagitan ng pag-iipon ng mga maaari pang mapakinabangang sachets,” ayon kay Mayor Gatchalian.

Matatandaang inilunsad ang prog­rama noong Hunyo kung saan ang mga makokolektang plastic wastes at beve­rage cartons ay mapapalitan ng P7.00 kada kilo nito at magagamit pa ang mga ito sa pamamagitan ng pag-recycle at ang mga nakolektang plastic wastes ay gagamitin para sa eco-friendly house bricks o sa paggawa ng cement kilns.

Nagkaisa rin ang mga public school na mag-ipon ng plastic waste na maaa­ring mapagka­kitaan.

Ibinida naman ni Mayor Rex Gatchalian ang prog­rama na magbibigay ng aral sa kabataan na ilagay sa nararapat ang mga plastic waste at hindi ang pag-ban ng plastic kundi dapat na i-recycle ito at mu­ling gamitin.

Layunin nito na maisulong ang school-based at barangay-based collection program at gawin ang pagre-recycle ng mga plastic na makakatulong sa isinusulong ng Valenzuela City na waste ma­nagement campaign. (Vick Aquino)