Nakipag-usap kahapon ang mga tauhan ng Eastern Police District (EPD) sa mga may-ari ng mga bahay sa Valle Verde Subd. sa Brgy. Ugong, Pasig City para sa kanilang kampanya laban sa iligal na droga.
Ayon kay EPD Director Chief Supt. Romulo Sapitula, ang kanilang pakiusap ay bahagi ng “Oplan Tokhang” na may layuning hikayatin ang mga residente na gumagamit ng droga na sumuko, magbagong buhay at tumulong sa kampanya ng pamahalaan para masugpo ang paglaganap ng bawal na droga sa bansa.
Alas-10:00 ng umaga nang mamigay ng mga pulyetos ang mga pulis na naglalaman ng impormasyon hinggil sa masamang dulot ng droga.
Nakalagay din sa flyers ang ilang tip kung papaano makakaiwas sa bawal na gamot at iba pang krimen.
Hinikayat ni Sapitula ang mga residente na makipagtulungan sa pulisya sa pamamagitan ng pagsusumbong sa mga taong alam nilang nagbebenta at gumagamit ng shabu sa kanilang lugar.