Van nahulog sa kanal: Titser todas, 13 sugatan

Nasawi ang isang guro samantalang sugatan ang 13 iba pa nang ang sinasakyan ng mga itong van ay sumemplang sa isang kanal sa Star tollway sa Ibaan, Batangas, Biyernes nang madaling-araw.

Ayon sa Ibaan police, galing pa sa Tugue­garao, Cagayan ang mga biktima at papauwi na sa Mindoro nang mangyari ang aksidente sa Brgy. Coliat, alas-4:30 nang madaling-araw.

Kinilala ng Ibaan police ang nasawing si Joy Naning, guro sa San Jose Pilot Elementary School sa San Jose, Occidental Mindoro.

Kabilang sa mga sugatan ang pitong kasamahan nitong mga guro at limang estudyante at ang driver ng van na si Mark Herwhin Tugade.

Ayon kay Tugade, dalawa silang nagpapalitan na driver, subalit hindi pa rin niya kinaya at tinamaan ng antok sa magdamag na biyahe kaya naramdaman na lamang niyang gumewang ang van.

Sumalpok muna ito sa mga puno sa gilid ng highway bago tumagilid sa kanal.

Agad isinugod sa ospital sa Batangas City ang mga biktima subalit binawian ng buhay si Naning makalipas ang ilang oras.

Galing ang mga biktima sa isinasagawang National Schools Press Conference (NSPC) sa Cagayan.

Ayon sa isang nakaligtas, nagmamadali silang umalis ng Cagayan kahit hindi pa tapos ang ilang araw sanang programa sa pangamba na maipit sa ipapatupad na community qua­rantine sa Maynila. (Ronilo Dagos)