Van sa Pasay kidnapping tukoy na

Tukoy na ng Pasay City Police ang isa sa dalawang sasakyan na naiulat na ginamit sa pagkawala ng sampung kabataan sa lungsod may isang linggo na ang nakakaraan.

Ayon kay Police Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay Police natukoy na nila kung sino ang may-ari ng puting­ Hi-Ace van na sinasabing ginamit sa pagsakay sa mga nawawalang biktima na nasa edad 15-22.

Sinabi ni Yang na anumang araw at oras ay lulutang sa kanyang tanggapan ang may-ari ng sasakyan upang isumite ang mga kaukulang dokumento na magpapatunay na siya ang may-ari ng nasabing van.

“Antayin po namin sya dito sa opisina ko dahil nagpasabi siya na lulutang siya dito” ani Yang.

Hindi naman dinetalye ni Yang kung ang naturang sasakyan ay nasa may-ari pa o kinarnap ito mula sa kanya.

Sa ngayon aniya patuloy na kumakalap ng impormasyon at dagdag na detalye o ebidensiya ang mga imbestigador upang resolbahin ang nasabing missing cases. (Armida Rico)