Sa viral video, mapa-mainstream at social media, malinaw ang pagkakamali ng kapulisan para pigilan at buwagin ang demonstrador na nambabato ng kung anu-anong bagay sa harap ng US embassy; tila nakaligtaan kung ano ang trabahong nakaatang sa balikat.
Animo’y nagka-amnesia ang kapulisan, lumabo ang mata, nabulag at hindi nabasa ang naglalakihang logo sa patrol car, maging sa mga nakapinta sa entrance gate, mapa-hallway o pintuan ng kanilang opisina — ‘This is your police. We serve and protect’.
Sinanay ang Philippine National Police (PNP) upang timbangin ang tama at mali; hinasang humawak sa mga sensitibong sitwasyon, mapa-karumal-dumal na krimen o simpleng away ng kapitbahay subalit tila may kahinaan sa nangyaring demonstrasyon sa US embassy.
Sa social media, samu’t saring opinyon ang naglabasan, meron umaastang eksperto kung paano hawakan ang kahalintulad na sitwasyon; meron feeling sila lang ang magaling at tama sa ganitong pagkakataon; sandamakmak ang nagmumura at kinokondena ang aksyon ng kapulisan dahil tingin nila’y nagmalabis sa kapangyarihan.
Marami sa grupong nag-iingay, ginagamit pa ang litanya ni Pangulong Rodrigo Duterte; meron natutuwa dahil sinugod ng kaliwa ang embahada at sinasakyan ang galit ng Pangulo sa Amerika kaya’t nagkokomentong makatwiran ang pagmartsa.
Sa kabilang banda, meron ding bumabatikos sa PNP kesyo nahawa sa Malacañang at malakas ang loob na makipag-upakan sa kaliwa o demonstrador dahil kargo ng Pangulo kapag nakulong o kinasuhan, katulad ng madalas gamiting litanya sa harap ng media.
Sala sa init, sala sa lamig ang sitwasyon ng kapulisan, paanong magkakaroon ng lakas ng loob na makipag-upakan sa demonstrador gayong nalalaman nitong maraming makakaliwa o tropa ni Renato Reyes ang nasa gabinete? Hindi ba’t dapat pa nga nilang protektahan ang raliyista kesa embahada ng Amerika na araw-araw inaaway ng Malacañang?
Sa pelikulang ‘Vantage Point’ ni Dennis Quaid, idinetalye na hindi dapat pinaniniwalaan kung ano ang unang nakita at madalas tayo’y nadala sa kuwento ng unang eksena. At sa bandang huli, magkaiba ang kuwento sa tunay na nangyari dahil meron pa palang dapat nasuring mabuti at naimbestigahan.
Sa madaling salita, masyado pang maaga para husgahan ang aksyon ng kapulisan; maaaring isang video pa lamang ang ating napanood o nakita; wala pang nakakakaalam kung ano ang nag-udyok sa kapulisan na sagasaan o gawing ‘sakahan’ ang Roxas Boulevard at i-convert sa kalabaw ang patrol car para maararo ang mga raliyista.
Sa hinaba ng karanasan ng kapulisan sa paghawak ng ganitong sitwasyon, napakaimposibleng managasa ng demonstrador na walang dahilan; anong nag-udyok para gawin ang pag-araro; ano ang hindi natin nalalaman na tanging naka-deploy sa US embassy ang nakakita; ano naman ang magiging mukha ng kapulisan at maaaring pananagutan sa Camp Crame kapag nalusutan o tuluyang nakapasok ng embahada?
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)