Vape at e-cigarettes, mapanganib – DOH

Nanawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko na iwasan ang paggamit ng vape at e-cigarettes dahil mapanganib ito sa kalusugan.

Ito’y matapos matuklasan ng mga dalubhasa na may taglay na 7,000 harm chemicals ang paggamit ng vape at electronic yosi na halos katulad din ng nakukuha sa tobacco cigarettes.

Ang pahayag ay ginawa ni Health Secretary Paulyn Ubial kasabay ng pagdiriwang ng ‘National No Smoking Month’ ngayong Hunyo.

Sinabi ng DOH na natukoy ng Food and Drug Administration (FDA) na naglalaman pa rin ng tobacco ang vape at e-cigarettes.

Hindi rin umano ligtas ang mga ginagamit na pamalit sa tradisyunal na yosi dahil walang ‘safe level’ sa paghithit ng kemikal mula sa e-cigarettes.

Nababahala rin ang DOH na sa kabila ng umiiral na ‘smoking ban’ sa ilalim ng nilagdaang EO26 ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay hindi saklaw ng prohibition ang paggamit ng vape at mga electronic yosi.