Inanunsiyo ng Department of Health na target nitong mabawasan ang bilang ng mga nagsisigarilyong Pilipino mula 21 porsiyento pababa sa 15 porsiyento pagsapit ng 2022.
Sinabi ni DOH Undersecretary Eric Domingo sa isang economic briefing sa Malacañang na pabor ang ahensiya sa implementasyon ng excise tax sa tobacco dahil sa malaking epekto nito sa pagbaba ng bilang ng mga naninigarilyo sa bansa.
Aniya pa, “Kapag tumaas talaga ang buwis ng tabako, nababawasan po talaga ang smokers lalung-lalo na sa kabataan.”
Sa pagsisiyasat ng Abante, may ilang Pinoy na kahit magmahal ang presyo ng nakasanayang yosi ay hindi ito bibitawan at ang iba gumagamit pa ng alternatibo dito, ang vape.
Para kay Elmer, 32, na may 12 taong nang nagsisigarilyo, “Mahirap nang tigilan, siguro kahit maging P300 ang isang kaha bibili pa din ako.”
Ganito rin ang opinyon ni Lennie, 23, “Siguro mababawasan pwede pa, pero mawala totally imposible.”
Pero para kay Teddy, 26, “Matagal na kong huminto sa yosi, parang higit isang taon na, sinubukan ko kasi ang vape.”
Ang vape o tinatawag ding e-cigarette ay isang device na gumagamit ng liquid nicotine solution o e-juice na lumilikha ng vapor na tulad ng nagagawa ng isang ordinaryong sigarilyo. Itinuturing ito lalo na ng mga gumagamit nito, na mas ligtas na alternatibo sa tradisyunal na tobacco.
Ngunit giit ng DOH hindi pa napapatunayan ng mga pag-aaral na talagang walang masamang epekto sa kalusugan ng tao ang paggamit ng vape lalo na sa long-term effect nito.
***
Regulasyon sa e-cigarette
Sa kabila nito, hindi naman itinitigil ang pagbebenta ng vape at ng e-juice para rito, at batay sa obserbasyon, dumarami na ang nagbebenta nito maging sa mga online shop.
Kaya naman upang ma-regulate ito, inilabas ng DOH ang Administrative Order 2014-0008 o ang Rules and Regulations on Electronic Nicotine Delivery System (ENDS) or Electronic Cigarette na layong magkaroon ng gabay ang lahat ng indibidwal o mga negosyo na gumagawa, nagbebenta o gumagamit ng nasabing produkto.
Noong Biyernes ay nagkaroon ng public consultation ang ahensiya kasama ang ilang grupo ng mga gumagamit ng vape upang magkaroon ng diskusyon ukol sa revised version ng nasabing kautusan.
Ayon dito, ipinagbabawal ang paggamit at pagbebenta ng e-cigarette sa mga lugar na bawal ang sigarilyo.
May designated area ang mga gumagamit nito na nakabukod sa mga naninigarilyo ng tobacco at edad 25 pataas lamang ang puwedeng bumili nito.
***
Responsableng vaper
Hati naman ang opinyon dito ng nakapanyam namin na gumagamit ng vape.
Ayon kay Teddy, pabor siya na hiwalay ang lugar ng mga nagve-vape at ng mga naninigarilyo.
“Kaya nga ako nag-vape para makaiwas sa yosi, tama lang hiwalay ‘yun,” aniya.
Sa kabuuan ayon sa vaper na si Teddy, ligtas ang paggamit ng vape para sa kanya bagama’t sa una ay mas mahal ito kailangan lang ng edukasyon sa tamang paraan ng paggamit nito at siyempre ang pagiging responsable sa sarili at sa mga taong nasa paligid.