Kinakailangan nang i-regulate ang mga vape o electronic cigarette dahil mayroon talaga itong masamang epekto sa kalusugan ng mga gumagamit nito.

Ipinahayag ito ni Department of Health (DOH) Undersecretary Rolando Enrique Domingo matapos na masabugan ng vape equipment sa bunganga ang isang 17-an­yos na binatilyo sa Quezon City kamakalawa.

“Kailangan talaga ma-regulate ang mga vape and vape equipment kasi potentially may harmful effects,” ayon kay Domingo.

Una nang nagpahayag ang DOH na hindi nila ikinunsidera na ma­ging alternatibo sa sigarilyo ang vape dahil may halo rin itong kemikal na hindi rin mabuti sa kalusugan ng tao.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Dr. Jerome Urbina ng East Avenue Medi­cal Center na siyang tumitingin sa biktima, na mapanganib ang vape sa kabila ng ‘isolated case’ ang nangyaring insidente.

“Dangerous pa rin po siya, wala pa rin namang pinagkaiba siya dun sa smoking of cigarette. Anything which is not normally ini-intake ng katawan natin would be harmful for the person,” ayon kay Urbina.

Nabatid na inoobserbahan pa rin sa pagamutan ang biktima sa posibleng kumplikasyon na maaaring idu­lot ng insidente.
Nagkasugat-sugat ang gilagid at halos maubos ang ngipin ng biktima at inabot rin ang bahagi ng mata matapos masabugan ng depektibong vape sa bibig.