Velasco bet ni Sara sa Kamara

Pormalidad na lang ang hinihintay dahil tapos na ang laban sa Speakership sa Mababang Kapulungan dahil may napili na umano si Pangulong Rodrigo Duterte sa katauhan ni reelected Marinduque Rep. Lord Allan Velasco para pamunuan ang 303-man na Kamara de Representante sa 19th Congress.

Ayon sa mga source ng online news site Politiko, si Velasco kasama ang kanyang maybahay ay nakipagpulong kay Pangulong Duterte sa Presidential residence Bahay Pagbabago noong Mayo 17.

Inihayag naman ng mga insider sa Malacañang na kinuha ni Velasco ang basbas ng Pangulo sa nalalapit na Speaker­ship race sa Hulyo kung saan ipinakilala din umano nito ang bagong miyembro ng lumalaki niyang pamilya — ang dala­wang buwang gulang na anak na si Sara Kristina.

Naka-post din ang nasabing meeting sa Instagram account ni Velasco.

Nabatid pa na tatlong beses na umanong ipinakilala ng Pangulo at ng anak nitong si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, bilang susunod na lider ng Kamara si Velasco sa tatlong magkakaibang okasyon.

Napag-alaman din na nagkaroon ng hiwalay na lunch meeting sina Mayor Sara at ang mag-asawang Velasco sa EDSA Shangri-La sa Mandalu­yong City batay sa Instagram stratus ni Davao City Public Information Officer Jefry Tupas.

Ang pangalan ni Velasco ay kasama sa mahabang listahan na pinalutang ng PDP-Laban noong Marso bilang potensyal na pambato sa Speakership, bagama’t may ilang nagpahayag din ng interes sa nasabing puwesto.

Ilan sa mga inaasahang makakalaban ni Velasco ay sina dating House Speaker at reelec­ted Davao del Norte Rep. Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez; dating Foreign Affairs Secretary at Taguig­-Pateros Congressman-elect Alan Peter Caye­tano; at Leyte Congressman-elect Ferdinand Martin Romualdez.

Gayunman, sinabi ng isa pang source na alam na ng mga nabanggit na mambabatas na si Velasco ang personal choice ng Pangulo para manungkulan bilang House Speaker.

Si Velasco na chairman ng House committee on energy, ay naging assistant campaign ma­nager ni Mayor Sara para sa mga senatorial candidate ng Hugpong ng Pagbabago.

Kailangan ni Velasco ng 153 boto para ganap na makuha ang liderato ng Kamara. (JC Cahinhinan)