Sinuyod ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang ilalim ng Metro Rail Transit (MRT) 3 station sa kahabaan EDSA Taft Avenue sa lungsod ng Pasay kahapon ng umaga.
Dakong alas-siyete ng umaga nang suyurin ng mga awtoridad ang naturang lugar na kung saan trak-trak na stall at mga paninda ang kinumpiska mula sa mga vendors sa ilalim ng MRT 3 sa Aurora Boulevard nang nasabing lungsod.
Hindi lamang sa ilalim ng MRT sinuyod ng mga tauhan ng MMDA at HPG kundi maging ang kahabaan ng Malibay ay tinanggal din ang mga iligal na tindahan na nakapuwesto sa mga bangketa.
Ayon kay Francis Martinez ng MMDA, layong nitong protektahan ang mga pedestrian para hindi na sila sa EDSA dumaraan at nang mapagaan rin umano ang daloy ng trapiko.
Pinaghuhuli rin ang mga pedicab at tricycle drivers na tumatawid sa EDSA at kinumpiska ang kanilang mga sasakyan upang hindi na maulit ang pagpapasaway ng mga ito.