Venture Securities ni Tanco kinakalkal na sa stock scam

Binuksan na ng Capital Markets Integrity Corp. (CMIC) ang libro ng Venture Securities Inc. ni STI Education System chair Eusebio Tanco kaugnay sa imbestigasyon sa pagbagsak ng R&L Investments Inc.

Ang CMIC na isang sangay ng Philippine Stock Exchange (PSE) ang nagmomonitor sa mga stock brokerage tulad ng Venture Securities at R&L Investments. Si Tanco ay direktor ng PSE ngayon.

Ayon sa Securities and Exchange Commission (SEC), sinulatan ng CMIC ang Venture Securities noong Nobyembre 7 para sabihan na magsagawa ito ng special audit sa mga libro ng kompanya ni Tanco simula Nobyembre 8.

Ipina-takeover ng SEC sa CMIC ang R&L Investments noong Nobyembre 12 nang matuklasang P77.1 mil­yon na lamang ang natitira sa asset ng kompanya at P51.7 mil­yon na lamang ang net worth nito samantalang higit P700 mil­yon sa shares of stock ang ninakaw sa mga kliyente nito.

Ang mga ninakaw na shares of stock ng mga kliyente ng R&L Investments ay ibinenta sa stock brokerage ni Tanco, ang Venture Securities.
Nagsasagawa rin ng sariling imbestigasyon ang SEC sa pangyayari.