Marami nang accomplishments sina two-time Olympian Eduardo ‘Vertek’ Buenavista at running-mother Luisa Yambao-Raterta sa National MILO Marathon, pero gaya ng pamosong 4-in-1 race sa bansa na nasa 40th season na, umeengganyo pa rin ito sa lahat na tumakbo.

Five-time NMM-National Finals king na si Buenavista, 37, Sto. Niño, South Cotabato native pero residente na sa Antipolo.

Ang 34-year-old, Sta. Rosa City-born/resident at ina ng dalawang babaing runners na ring si Raterta’y nakailang ulit nang nag-NMM-Regional Elimination Race champion, huli ang second straight title niya sa Metro Manila Race sa SM Mall of Asia complex grounds kahapon ng umaga.

Si Buenavista ay may dalawang anak na mananakbo na rin. Malaking impluwensiya at inspirasyon sina Buenavista at Raterta sa kani-kanilang mga anak para tumakbo rin.

Pinangunahan nila ang mga qualifiers na umabante sa Finals sa Dec. 4 sa Iloilo City. Naglista ng 2 hours, 45 minutes, 34 seconds si Buenavista sa men’s, si Raterta ay 3:15-flat sa women’s.

Habang nag-aantay sa awarding para tanggapin ang P50,000 cash tulad ng premyo ni Vertek, inamin ni Raterta na gaya ng kakambal niyang si Lisa Yambao na 1993 Finals champion, nais niyang masundan ‘yun at maging unang twins na nakagawa nito sa full-marathon sa bansa.

“Hanggang kaya ko pa tumakbo hindi pa po nawawala sa akin ang pangarap na iyon,” ani Raterta, hindi natapos ang 2015 Finals dahil umulan at nabasa ang kanyang sugat sa kaliwang hita na nakuha sa motorcycle accident bago ang araw ng karera.

Umabot sa 32,920 ang runners na tumugon sa starting gun kahapon na ayon kina Nestle Philppines, Inc.-MILO Sports marketing manager Andrew Neri at Race organizer Rio dela Cruz ay kinabilangan ng 2,528 sa 42.195K, 1,780 sa 21K, 3,118 sa 10K, 23,854 sa 5K at 1,640 sa 3K.