VFA termination sinuspinde lang – Malacañang

Nilinaw ng Malacañang na sinuspinde lamang ang proseso para sa pagwawakas ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Amerika at Pilipinas.

Binigyang-diin ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa online press briefing nitong Huwebes, na wala namang inilabas na bagong kautusan si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa VFA termination.

“Pagadating naman sa VFA, ang nasuspinde lang naman po ay `yung proseso ng termination. Wala naman pong bagong desisyon ang Presidente pagdating sa termination,” ani Roque.

Noong Martes ay ipinahayag ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na inutusan siya ni Panglong Duterte na ipabatid sa US Embassy sa Maynila ang kanyang desisyon na suspindehin ang VFA termination dahil na rin sa “politica and other developments” sa rehiyon.

Matatandaang nagbanta si Pangulong Duterte noong Enero na ibabasura ang VFA matapos kanselahin ng Amerika ang tourist visa ni Senador Ronald `Bato’ dela Rosa.

Nakadagdag pa sa isyu ang panawagan ng ilang American senator na palayain si Senador Leila De Lima na nakulong dahil sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga. (Prince Golez)