Vhong kapiling ang 2 lalaki

Kahit malaki ang naging apekto sa kani-kanilang mga career ng COVID-19 pandemic, may mga bagay pa ring ipinapapasalamat si Vhong Navarro . Ito’y nangyari nitong nakaraang tatlong buwan na naka-quarantine at nasa bahay lang siya.

“Siyempre, merong ano ‘to, eh, merong dahilan kung bakit nangyari itong pandemic,” sabi ni Vhong sa zoom conference para sa pagbabalik ng kanilang show sa ere, “siguro, ang pinaka-nagustuhan ko rito, ‘yung quality time ko sa mga anak ko at sa asawa ko.

Nagkaroon daw sila ng oras para sama-samang kumain at mas nakilala pa niya ang dalawa niyang anak na lalaki na sina Isaiah at Frederick.

Malalaki na raw pala ang mga anak niya at nakakausap na niya talaga na parang barkada lang at medyo malalim na nga raw ang kanilang usapan. Nagugulat nga raw siya dahil minsan ay inaabot ng 2am ang kanilang kwentuhan.

“Ang sarap! Parang sabi ko, ito yata ang isa sa mga mami-miss ko pag bumalik-trabaho na pero syempre, kailangan din nating kumayod, eh,” he said.

Jhong pinuyat ni Lee Min Ho

Si Jhong Hilario naman ay nahihilig daw ngayon sa Korean drama at napupuyat daw siya sa panonood ng The King: Eternal Monarch ni Lee Min Ho.

Bukod dito ay natuto raw siyang magluto at gumawa ng mga bagay sa bahay na hindi niya dating nagagawa dahil sa trabaho.

Isa pang ipinagpapasalamat nina Vhong at Jhong ay ‘yung nagkaroon sila ng oras na mag-reunion ng mga dating kasamahan ng dance group nilang Streetboys via Zoom.

Dati raw kasi, kapag birthday ng isa sa kanila ay kanya-kanyang text message or tawag sila sa may kaarawan para batiin. Pero ngayon daw, ang ginagawa nila ay nag-uusap silang lahat sa Zoom at nagse-celebrate kaya at least ay nakakapag-reunion pa sila.

“So, lagi kaming parang may reunion, nagkakausap, nagkikita, hindi lang basta ‘o, happy birthday’ binati mo, tinawagan mo. Eto, talagang kwentuhan with direk Chito Rono. So, nagbabalik-tanaw kami.

“Eto ‘yung nakita mong pagbabago rito sa pandemic na nangyari,” ani Vhong.

Samantala, maging sa pagbabalik sa ere ng It’s Showtime simula ngayong Sabado sa cable and iWant, malaki rin daw talaga ang magiging pagbabago. Wala pa ring studio audience at limited lang ang mga hosts na pwedeng magreport physically. ‘Yung iba raw hosts ay virtually present na lang at magiging alternate raw ang physical appearance ng mga ito.