Vhong, nagdagdag ng kaso vs Cedric

Vhong Navarro

“Ang justice system, parang daan ‘yan na maraming lubak!” — VHONG

PATULOY pa ring dinidinig ang mga kasong kinasangkutan nina Vhong Navarro, Cedric Lee, Deniece Cornejo at mga kasama nila.

Nagdagdag pa pala ng kasong Perjury si Vhong laban kay Cedric at mga kasama­han nito na kamakailan lang naisampa sa korte.

Ayaw lang ng host ng It’s Showtime na magsalita tungkol sa kaso dahil nandiyan pa rin ang gag order.

Pero nalulungkot siya dahil sa mabagal na pag-usad nito.

“Nakakalungkot din,” pakli nito nang tinanong namin kung ano ang nararamdaman niya sa mabagal na takbo ng mga kasong isinampa niya.

Sabi pa niya, “Sinasabi nga natin ang justice system, parang daan ‘yan na mara­ming lubak.

“Kaya bumabagal ang pinupuntahan mo, kasi, marami pang lubak na pinagdaanan at pasikut-sikot.”

Tanggap din niya ang katotoha­nan na kaya siguro ganu’n kabagal dahil hindi basta-bastang tao ang nakabangga niya. Alam niyang influential ang mga taong kinasuhan niya.

Kaya tila nakabitin din siya, at pati ang ilang personal na plano kagaya ng pagpapakasal.

Wala na raw kasi siyang ibang naisip pang babaeng pakasalan kundi itong kasalukuyan niyang girlfriend.

***

Pia Wurtzbach
Pia Wurtzbach

Almost done na ang deal sa Ms. Universe, sabi ng dating Ilocos Sur governor na si Chavit Singson.

Nag-meeting si Manong Chavit sa organizers ng Ms. Universe kasama ang reigning Miss U Pia Wurtzbach.

Dumating si Pia noong nakaraang linggo at nagkita sila nina Manong Chavit para pag-usapan pa ang ilang detalye ng pagdaos ng Ms. Universe 2016 dito sa atin.

“Siya kasi ang kasama ng Ms. Universe.

“Ang interes lang naman ng Ms. Universe, kasi nga si Pia ang mag-turn over,” pahayag ni Manong Chavit.

“Nakipag-coordinate naman. Lahat naman na iniutos ng Ms. Universe, ginagawa niya,” sabi pa nito.

Iyun ang pagkakataong nagkausap sila at nagkita nang matagal-tagal ni Pia at nagandahan siya.

“Syempre, Ms. Universe eh!” mabilis niyang sagot.