AYAW pa ring sabihin sa amin ni Vic Sotto kung sino na ang gaganap na Faye sa pelikula niyang Enteng Kabisote 10 and the Abangers.

Pito ang abangers na kasama niya, at hindi kabilang doon sina Alden Richards & Maine Mendoza.

May special participation lang sina Alden at Maine na kinunan sa Bohol.

Mahaba ang partisipasyon ng dalawa na mahalaga sa kabuuan ng pelikula.

“Cameo role sila dito, pero mga apat o limang eksena ang ginawa nila, eh.

“There was a part in the movie na nag-soul searching si Enteng, eh. After so many years, malalaki na ‘yung mga anak niya, parang suddenly he felt alone na parang gusto niyang mag-soul searching sa Bohol.

“Pero sabi ni Maine, mag-soul searching ka, pumunta ka sa sementeryo,” natatawa niyang kuwento.

So far, ito ang pinakamahirap na pelikulang ginawa ni Vic, na sana magustuhan ng mga tao at makapasok ito sa Metro Manila Film Festival 2016.

“Mahirap, pero we had fun. Doing a film with the Abangers na masaya lahat sa set, hindi ko napansin ‘yung hirap.

“Pero ito yata ang pinakamahirap na Enteng na ginawa namin.

Alden Richards at Maine Mendoza
Alden Richards at Maine Mendoza

“Hindi ko lang mabigay ang mga detalye, but definitely we had fun at kaabang-abang ang mga kasama ko dito na mga Abangers,” saad ni Bossing Vic.

Inulit namin kung sino na ang gaga­nap na Faye, pero hindi pa raw muna puwedeng sabihin dahil iyun ang isa sa malaking surprise sa pelikula.

“Mas maganda kung panoorin nila, eh. Basta secret pa rin,” nakangiti niyang pahayag.

Narinig kasi namin, nu’ng kinunan ang eksena nito kasama ‘yung gumaganap na Faye, merong nag-post sa social media, pero mabilis nilang pinabura agad.

Ewan kung merong naka-grab. So far, wala pang kumalat na kuha sa shooting nito.

Kaya sana raw, makapasok ito sa MMFF dahil isa iyun sa kaabang-abang na eksena nang lumitaw si Faye na forever love ni Enteng Kabisote.

“Hopefully, mami-meet namin ‘yung deadline, and we’re hoping and praying na mapili kami ng committee as one of entries for the Metro Manila Film Festival,” pakli ni Bossing Vic.