Vic at Vice, dapat sumubok ng ibang estilo ng comedy

Vic Sotto

KAKAIBANG ­comedy ang dala ng Ang Babae sa Septic Tank 2 na pinagbibidahan ni Eugene Domingo para sa Metro Manila Film Festival.

Ito raw ang comedy na hindi lang basta hahagalpak ka nang tawa, sabi ni direk Marlon Rivera.

Iba-iba rin daw kasi ang mga klase ng comedy na napapanood natin.

Kung naaliw tayo sa naunang comedy nina Vice Ganda at Vic ­Sotto, ngayon ay iba naman pero pang-masa raw ang pagpapatawa ni Uge sa pelikula nilang ito.

Sa presscon ng Ang Babae sa Septic Tank 2: #ForeverIsNot­­­E­nough, napag-usapan namin ni direk Marlon Rivera ang nakaraang Enteng Kabisote 10 ni Vic Sotto.

Nagkaroon ba sila ng conflict ni direk Tony Reyes na kasama niya sa pagdidirek ng Enteng Kabisote 10?

Deretso ang sagot ni direk Marlon na ­never silang nagkaroon ng conflict ni direk Tony noong ginagawa nila ang ­Enteng.

“Wala. Kasi una, producer ko si Direk Tony. He’s also the writer, co-director ko siya. Wala kaming conflict.

“Ang gagawin ko, isi-set-up ko ang scene, magku-comment siya,” sagot ni direk Marlon.

Wish din ni direk Marlon na makagawa ng isa ring klase ng comedy film na pagbibidahan ni Bossing Vic.

Vic Sotto
Vic Sotto

“Iniisip na namin ‘yan dati.

“Naniniwala ako na maganda ang dramatic tone ni Bossing, eh. Pero sana, siya lang mag-isa.

“Pero nagpasabi yata siya na hindi muna siya gagawa sa ngayon, eh,” saad ni direk Marlon.

Agree siya na dapat kakaibang comedy naman ang susunod na mapapanood na posibleng pagbibidahan ni Bos­sing Vic.

Agree rin siya na dapat iba-ibang klase ng comedy ang mga mapapanood ng mga tao na sumusubaybay sa mga kilalang comedians kagaya nina Bossing Vic at Vice Ganda.

Ani direk Marlon, “Lagi kong ­paniniwala na kailangan ng diver­sity talaga, eh. Maraming klase ang comedy dapat, ‘di ba?

“May comedy na gusto mo lang panoorin, kasi, gusto mo lang humagalpak.

“May comedy na med­yo gusto mo lang mag-isip nang kaunti.

“Ako, dapat lahat sina Vice, si Enteng, kahit si Ai Ai (de las Alas), may lugar ‘yan lahat dapat, eh.

“Sana, maulit ­namin ang ganu’ng klaseng comedy para naman may magkaroon ng maraming klase ang kalakaran ng comedy sa industriya.”

***

Ronnie Alonte
Ronnie Alonte

Okay lang kay ­Ronnie Alonte na pagnasaan siya ng mga bading pero kapag may ginagawa na hindi niya magustuhan, umiiwas na siya.

Bading ang mana­ger niya, at ang dami ­niyang mga kaibi­gang bading, pero hang­gang du’n lang daw.

“Hindi ko tingin sa mga bading na ibang tao sila.

“Tinuturing ko po sila na nakasama sa trabaho na nakita ko sila, na nakasalamuha ko.

“Binabati ko sila kung ano talaga ako,” sagot ni Ronnie nang tinanong namin sa mga bading na nagkaka-type sa kanya.

Kapag may ibang plano ang bading sa kanya, doon siya nagsisi­mulang umiwas.

“Medyo umiiwas na po ako, kasi, ­maayos naman ang pakikisama ko sa ‘yo pero ‘yun lang ‘yun, wala ng iba,” sabi ng pinakasikat na Hashtag member, na kasama sa MMFF 2016 entries na Seklusyon at Vince & Kath & James.