Vice City magkakaroon ng bagong Big 3?

Umaalingawngaw ngayon sa mundo ng sports ang trade rumor sa dalawang All-Star caliber ng San Antonio Spurs na sina LaMarcus Aldridge at Demar DeRozan.

Saan sila mapupunta? Sa Miami Heat, kung saan huling nagkaroon ng Big 3 taong 2014, sa ngalan nina LeBron James, Dwyane Wade at Chris Bosh.

Ngayong 74th o 2019-2020 season ang maitutu­ring na Big 3 ay ang Vice City, si veteran Jimmy Butler at dalawang rookie na sina Kendrick Nunn at Tyler Herro.

Sa kanilang rookie season, impresibong average ang kanilang dala. Si Nunn ay may 16.2 points per game, 2.8 rebounds per game at 3.5 assists per game, habang si Herro ay may 13.2ppg, 4.1rbg, at 2.1apg. Mahaba pa ang karera at siguradong mag-i-improve pa ang mga ito.

Walang umasa na magiging ganito kahusay ngayong taon ang Heat.

Ngunit kahit pa nasa ikalawang puwesto sa Eastern Conference, hindi pa championship caliber ang lineup ng Heat.

Kung ite-trade mula Spurs sina Aldridge, DeRozan sino nga ba ang kapalit?
Maisasama sa package ang may future na si Justise Winslow, Dion Waiters at big man Kelly Olynyk.

Nakahihinayang mawala si Winslow dahil sa pagiging two-way player nito, ngunit kung susumahin at hangad ay kampeonato ngayong season, hindi na masama kung kagatin ng Heat ito.

Ang kombinasyon nina Butler at DeRozan ay makatutulong, parehong hari ng perimeter, ang kanilang haba para sa kanilang posisyon ay siguradong makakadepensa.

Habang ang pagiging beterano ni Aldridge sa ilalim at perimeter, na kung ikukumpara kay Olynyk ay malayong-malayo pa.

Kung utak lang naman sa larangan ng basketball, hindi maikakaila ang husay ni Miami Heat president Pat Riley.

Abangan natin ang susunod na hakbang!
***
Kung kayo po ay may reaksiyon o nais itanong, mag-email lang sa alecpaolo2016@gmail.com. Patuloy ninyo rin pong suportahan ang online show ng Abante, ang Sportalakan, tuwing Martes ng alas-sais nang gabi sa Abante News Online. Maraming salamat po!