Natutuwa naman si Ogie Diaz na kahit hindi na siya ang manager ni Vice Ganda ay nanumbalik muli ang friendship nila pagkatapos nilang magkatampuhan ng 4 1/2 years.

“Four and a half years ko siyang hinawakan, mga 4 1/2 years kaming civil lang sa isa’t isa. Kasi una kaming naging magkaibigan, eh. Bago kami naging manager-talent na relasyon,” kuwento ni Ogie nang makatsikahan namin siya kahapon sa presscon ng iprinodyus niyang pelikula na “Two Love You”.

Nagsimula raw ulit manumbalik ang friendship nila nang padalhan niya ito ng banana chips at magpasalamat ito sa TV.

Ang maganda raw kay Vice Ganda, kahit hindi na nga siya ang manager nito ay nakikinig pa rin ito sa kanya. Recently nga raw ay dumalo ito sa debut ng kanyang anak na si Erin at doon ay seryoso silang nagkausap.

Pinayuhan daw niya si Vice na magkaroon na rin ng anak dahil nga tumatanda na rin ito.

“Sabi ko sa kanya, ‘teh, mag-anak ka na, tumatanda ka na. Ilang taon ka na, 45, 46?’” kuwento ni Ogie.

Sagot daw ni Vice ay hindi nito kaya at hindi raw nito kayang makipag-sex sa girl.

“Sabi ko, ‘eh hindi naman kailangang gumano’n ka. Pwede kang ‘yung sperm mo, itatama sa egg na gusto mo, gano’n.’ Tingnan mo si Joel Cruz, ‘di ba?” sey pa ni Ogie.

Sinabihan din daw niya si Vice na iba talaga kapag nagkaroon ng anak, pati ang outlook sa buhay ay maiiba.

“Even your jokes, maiiba. ‘Yung alam mo na kung paano maging tatay, ganyan-ganyan. Kino-convince ko talaga si Vice,” sey ni Ogie.

Bandang huli, ang sagot na raw ni Vice ay “pag-iisipan ko.”

Kaya if ever nga na mag-decide si Vice Ganda na magkaroon ng sariling anak in the future, alam na kung sino ang naging inspirasyon niya.

Samantala, mula sa pagiging parlorista, movie reporter, talent manager, komedyante, TV host, ngayon ay movie producer na rin si Ogie at first venture nga niya ang “Two Love You” na pinagbibidahan ni Lassy Marquez in his first lead role kasama sina Yen Santos, Hashtag Kid Yambao, MC Calaquian at marami pang iba.

Ayon kay Ogie, noon pa ay nasa bucket list niya talaga ang maging producer at ang next naman daw na gusto niyang maisakatuparan na pangarap ay maging direktor.

When asked kung bakit hindi si Vice Ganda ang naisip niyang gawing bida, aniya ay hindi na raw niya naisip ‘yun dahil alam niyang malalaki naman ang pelikula talaga nito.

“Bonggang-bongga ang projects ni Vice at once a year lang siya kung gumawa. Saka, siguro kahit si Vice, mas gusto niya nabibigyan din ng chance ‘yung mga bakla na sumusuporta sa kanya na magbida.

“So, excited naman si Vice para rito. Actually, si Vice, magpapa-block screening pa ‘yan,” sey ni Ogie.

Showing na ngayong Nov. 13 ang “Two Love You” directed by Benedict Mique. Produced by OgieD Productions and Lonewolf Films and released by Viva Films.

Yen game sa lesbian

Sa nasabing presscon pa rin ng “Two Love You”, naaliw ang lahat sa tanong kay Yen kung okay din ba siya kung lesbian naman ang kanyang makakasama since puro gays nga ang kasama niya sa nasabing movie.

“Pangarap ko nga pong magkaroon ng lesbian movie, eh,” sagot ni Yen.

Ang follow-up na tanong, sino ang gusto niyang maka-sex sa movie – si Aiza “Ice” Seguerra o si Jake Zyrus?

“Kahit sino po, basta maganda po ang materyal,” game namang sagot ni Yen.

Isa pang tanong sa aktres ay kung nakaranas na siyang umibig sa tomboy.

“Hindi pa po,” sagot naman ni Yen.

Wala ring nanligaw sa kanya na lesbian?

“Wala pa po,” sey niya.

Pero seriously, noon pa sinasabi ni Yen na wala raw talagang bakla, tomboy pagdating sa pag-ibig at lahat ay pantay-pantay. Nabanggit na rin niya before na puwede siyang ma-in love sa gay basta responsable ito at mabuting tao.