Vice kay Tony: nai-elyahan ako sa kanya!

Ni Rommel
Placente

Isa ang pelikulang “Momalland”, na pinagbibidahan nina Vice Ganda at Anne Curtis, sa napili ng Selection Committee ng Metro Manila Film Festival 2019 para mapasama sa taunang film festival. Kasama sa nasabing pelikula si Tony Labrusca, bilang leading man ni Vice. Si Vice mismo ang pumili kay Tony.

Sa guesting ni Vice sa radio program nina Ogie Diaz at MJ Felipe, na “OMG sa DZMM” noong Saturday ng gabi, tinanong siya ni Ogie kung bakit daw sa dinami-rami ng aktor sa showbiz ay si Tony ang napili niya. Ang walang kagatol-gatol na sagot ni Vice, “Nai-elyahan ako sa kanya. Bakit, sino ang hindi nai-elyahan kay Tony Labrusca?”

Igo-glorious ba siya ni Toni sa pelikula gaya ng ginawa nito kay Angel Aquino sa digifilm nila na “Glorious”, na may kissing scene sila?

“Ibubudol ko ‘yan para mangyari,” natatawang sagot ni Vice.

“Kasi tinanong din ‘yan ni Anne, ‘Paano ‘yan, may glorious scene ba kayo ni Tony?’ Siyempre, gagawan ko ng paraan ‘yan. Hindi ko lang sinabi agad. Kasi baka mag-react ‘yung management ni Tony. Gagawin ko ‘yan on the spot, saka ko isusulat. Naku, machop-chop ako. Kahit ma-edit,” tawa na naman ni Vice.

Isa pa sa pinili ni Vice na isama sa pelikula ay si Dimples Romana, dahil sa sikat na sikat ito ngayon bilang si Daniela Mondragon sa seryeng “Kadenang Ginto” ng ABS-CBN 2.

“Request ko talaga ‘yun (Dimples). Umabot ‘yun ng management, ‘yung request. Kasi, mahirap ‘yung schedule­ ni Dimples, eh. Sagsagan ‘yung taping.­ So, kailangan talagang ipakiusap sa katas-taasan. Kailangan ko po ng Dimples sa pelikulang ito.”

Kontrabida ang role ni Dimples sa “Momalland”, gaya ng role nito sa “Kadenang Ginto.”

“Mas siraulo siya rito sa pelikulang ito. Siya ‘yung villain, sira­ulo, literal. Maitim ang bagang. Kasi sa ‘Kadenang Ginto’, maitim lang ang budhi niya, rito maitim ang bagang niya talaga,” sambit pa ni Vice.