ViCe Kontra kay Tito

ROMMEL PLACENTE: May proposal si Senate President Tito Sotto na baguhin ang huling linya ng “Lupang Hinirang”, ang Pambansang Awit ng Pilipinas. Gusto niyang pali­tan ang linyang “Ang mamatay nang dahil sa ‘yo” ng “Ang ipaglaban kalayaan mo”.

Mara­mi ang hindi sumang-ayon sa mungkahing ito ng senador. Isa na rito si Vice Ganda. Sabi niya sa kanyang Twitter account, “E kung palitan na lang yung last line ng natio­nal anthem ng ‘Ang ma­traffic ng dahil sa’yo??!!’ Mas keri ba?”

Kaya siguro nasabi ‘yun ni Vice dahil lagi siyang nata-traffic at nali-late kapag may pupuntahan o showbiz appointment siya. Kami rin naman ay hindi sang-ayon kay Sen. Tito, para sa amin, maganda na ‘yung huling linya ng “Lupang Hinirang” na ang ibig sabihin ay handa na­ting ipaglaban at handa tayong mamatay para sa ating sariling ­bayan. Gaya ng ginawa ng ­ating mga bayani, na ipinag­laban nila ang Pilipinas nu’ng sakupin tayo ng mga Kastila, Hapon at Amerikano, ‘di ba? Pero halos ganu’n din naman ang ibig sabihin ni Sen. Tito, ‘di ba? So no need na para pali­tan ang huling linya. So, huwag nang palitan ang huling linya ng ating Pambansang Awit. Kayo mga ka-Cuatros, ano ang opinyon ninyo dito?

MILDRED BACUD: Tulad ni Vice Ganda, hindi rin naman kami sang-ayon sa mungka­hing ‘yon ni Senador Tito Sotto, friend Rommel. Baka bumangon si Julian Felipe na siyang sumulat sa titik ng “Lupang Hinirang”. Bahagi na ng kasaysayan ang ating ­national anthem kaya hindi dapat ito baguhin bilang respeto.
Dinaan na lamang ni Vice ang pagtutol niya sa suhestyon na ito sa pagsabing mas malala nga naman ang problema sa traffic na dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan at idagdag pa ang problema sa taas ng mga bilihin. Madalas late nga ang TV host sa “Its Showtime” dahil sa traffic. Si Anne Curtis nga kung ilang beses sumasakay ng MRT para makaabot sa show.
Huwag na ngang pakialaman ang “Lupang Hinirang” na sa maraming hene­rasyon ay ito na ang nakasanayan.

RODEL FERNANDO: Hindi rin kami pabor sa mungkahi ni Sena­dor Sotto. Dapat matuto tayong gumalang sa ating nakagisnan. Masyadong malalim, makahulugan at masusing pag-aaral bago nagawa ang ating Pambansang Awit.
Kinakatawan kasi nito ang pagbuwis ng buhay ng ating mga bayani para makamit ang kalayaan sa mga nanakop sa atin. Kung nabubuhay lamang ang gumawa ng musika at liriko ng “Lupang Hini­rang” na sina ­Julian Felipe at Jose ­Palma ay hinding-hindi sila papayag sa panukala ng se­nador.
Malinaw na malinaw na sa huling linya na “Ang mamatay nang dahil sa ‘yo” ay larawan ng tunay na Pi­lipino. Handa silang mamatay maipagtanggol lang ang a­ting kasarinlan.
Napakasarap damhin ang mga huling ka­tagang ito bilang isang tunay na Pinoy na nagmamahal, yumayakap, nagpapahalaga, isinasabuhay ang pagiging isang mamamayan ng Pilipinas.
Huwag na sanang pakialaman ni Tito Sen ang bagay na ito. Gumawa na lang siya ng batas para lalo pang maproteksiyunan ang ating Pambansang Awit na binababoy na ng ilan at ginagawang katatawanan.

RONALINE AVECILLA: Tama naman kayo mga ka-­Cuatros. Maging ang inyong lingkod ay hindi sang-ayon sa nais ni Senador Tito Sotto.
Bakit naman kasi sa dinami-rami ng problema sa ‘Pinas ay ang Pambansang Awit pa ang dapat intindihin?
Katulad nga ni Vice Ganda ay marami ring mga celebrity ang hindi sumang-ayon sa mungkahing iyon.
Kahit si Jim Paredes ay may punto rin. Aniya, “Is this really a PRIORITY or a waste of time? Give people cheap rice! Control inflation! NOTHING will change if you alter the lyrics of pambansang awit.”
Ang daming problema sa lipunan pero ang last lyrics pa ng “Lupang Hinirang” ang naisip ng mismong Se­nate President.
Iyan ba ang maisa­sagot ni Sen. Sotto sa mga naghihirap at nagugutom dahil sa mahal na bilihin?
Sana ay mag-focus si Senator Sotto sa mga panukalang makikinabang ang lahat.
‘Wag pakialaman ang Pambansang Awit na tumatak na sa puso ng mga Pilipino. Tribute ito sa mga bayani na nagbuwis ng buhay para sa bayan.