Patuloy pa ring pinaghahanap ang kapatid ng kasalukuyang Vice Mayor ng Caloocan City dahil sa pagkakasangkot sa operasyon ng iligal na droga matapos na makaeskapo sa isinagawang pagsalakay ng mga elemento ng National Bureau of Investigation (NBI) sa sinasabing ino-operate umano nitong drug den sa nasabing lungsod.

Kamakalawa ng gabi ay sinalakay ng NBI Anti-Illegal Drugs Division ang umano’y drug den na pinapatakbo ng kapatid ni Caloocan City Vice Mayor Macario Asistio sa Green Tech Street, University Hills Subdivision, Barangay 80 ng nasabing lungsod.

Tatlong katao ang naaresto sa nasabing raid na kinilalang sina Arsenio Pascual IV, architect na nagmamay-ari ng bahay na ginawang drug den, Sharlot Isip at isang Michael Gerez na pawang dumipensa na napadalaw lamang umano sa bahay pero kalaunan ay pawang nagpositibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot ang mga ito.

Sinabi naman ni Vice Mayor Asistio na hindi niya kukunsintihin ang kapa­tid at kung sakali umano na totoo ang paratang ay siya mismo umano ang gagawa ng paraan upang maisuko ito.

Matatandaang dati nang isinuko ng bise alkalde ang isa pa niyang kapatid na umano ay gumagamit ng iligal na droga na si Luis Pe­ting Asistio sa himpilan ng pulisya sa Caloocan sa mismong bagong talaga noong chief of police na si PS/Supt. Johnson Almazan, sa ngayon ay sumasailalim na ito sa rehabilitation.