Inakusahan ang host at aktor na si Vice Ganda sa pango­ngopya umano ng kasuotan mula sa international couture.

Isiniwalat ito ng isang fashion page na Diet Prada at ibinahagi sa kanilang Instagram stories ang mga kasuotang ginaya umano ni Vice.

“Filipino actor/ singer/ comedian Vice Ganda turning it out in some imitation. Like the sentiment but what’s with the electrical tape execution?” caption ng IG Story na kung saan ay naka-tag pa ang “Victor and Rolf Couture”.

Kung ang nakalagay sa orihinal na kasuotan ay “Sorry I’m late, I didn’t want to come”, ang nakalagay naman sa suot ng aktor ay “You don’t gain anything from hating us.”

Masasabi na malaki ang pagkakapareho umano ng suot ng aktor mula sa orihinal na likha ng couture.

Hindi lamang ang gown ang napuna ng Diet Prada kundi ang kanyang headdress na suot malaki ang pagkakahawig sa headdress na likha ng “The House of Malakai” na sinuot ni Beyonce sa kanyang Grammy Performance taong 2017.

Inspirasyon lang ba o imitation ang mga kasuotang hawig sa International couture? Sa ngayon ay wala pang reaksiyon si Vice Ganda sa isyu ng pangongopya.