Vice umapela sa transpo delubyo

Dumaing si Vice Ganda sa pamunuan ng Department of Transportation. Ito’y sa kasagsagan ng General Community Quarantine sa Metro Manila.

“Wala pong masakyan. Ano pong plano nyo? Baka balak nyo silang pagmalasakitan,” deklara niya.

Tweet pa ng TV host-komedyante, “hirap na hirap po ang mga commuters. Delubyo sa kanila ang transportasyon patungo sa kanilang mga destinasyon.”

“Sa dami po ng pinayagang lumabas at magsibalik sa trabaho ay kulang na kulang ang masasakyan. So mukhang may mali sa kalkulasyon.”

“Beke nemen po may mabuo sa inyong mga imahinasyon na epektibong solusyon. Sana’y may mailabas na kayong impormasyon at aksyon dahil inyo pong obligasyon na maiayos ang sitwasyon,” tweet pa ng TV host .

Sa utos ng gobyernong Duterte, bawal pa rin ang jeep sa GCQ; ang papayagang muling bumiyahe ay mga tren tulad ng MRT-3, LRT at PNR, gayundin ang mga taxi, TNVS at limitadong bilang ng mga bus.

Sa Hunyo 22 pa papayagang lumahok sa pagronda ang mga UV Express, public utility bus, at modern PUV o jeep.