Usap-usapan sa bakuran ng ABS-CBN ang malaking pelikula na gagawin ni Vice Ganda para sa Metro Manila Film Festival sa Disyembre. Ayon sa chika ay ‘The Greatest Syokla’ ang pamagat ng gagawing filmfest entry ni Vice, na tulad ng dati ay co-prod ng Star Cinema at ng Viva Films.

Obviously ay inspired ito o spoof ng hit Holly­wood movie na ‘The Greatest Showman’ na pinagbidahan ni Hugh Jackman.

Musical film ang ‘The Greatest Showman’ na tungkol sa sikat na Ame­rican showman na si P.T. Barnum at nag-hit halos lahat ng kanta mula sa soundtrack nito.

Ibig kayang sabihin ay musical comedy film ang niluluto ni Vice para sa MMFF this year? Bagong putahe ‘yon kung sakali at hindi pa niya nagagawa before.

Ang dinig namin kinukuha para maging leading man dito ni Vice ay ang Kapuso hunk na si Dingdong Dantes. Bagong kombinasyon din ito, in fairness.

Gumagawa ng pelikula si Dingdong sa Star Cinema at sa Viva, so may posibilidad na magkatotoo ang tambalang ViceDong sa big screen.

Maglalagay din daw ng young loveteams sa ‘The Greatest Syokla’ at ang balitang napipisil kunin ay ang ElNella loveteam nina Elmo Magalona & Janella Salvador at ang MarNigo loveteam nina Maris Racal & Iñigo Pascual.

Kasabay ng pag-ingay ng filmfest entry ni Vice ang sinasabing makaka­tapat nito na MMFF entry naman nina Vic Sotto at Coco Martin na first time ding magsasama sa pelikula.

Ang latest chika na narinig namin ay pasok na rin daw sa cast ng Vic-Coco movie ang AlDub loveteam nina Alden Richards at Maine Mendoza.

So, Vice-Dingdong (isang Kapamilya at isang Kapuso) versus Vic-Coco (isang Kapuso at isang Kapamilya) na may kasama pang AlDub! Wow!

PAK na PAK ang salpukang ito sa takilya kapag nagkataon! Ang saya-saya nito, so sana nga ay matuloy!