Vickie dream role ang Darna

Nabigo man ang dating PBB housemate na si Vickie Rushton na masungkit ang titulo sa ginanap na 2019 Binibi­ning Pilipinas, hinakot naman niya ang iba’t ibang special awards.

Ngayong nairaos na niya ang Bb. Pilipinas matapos ang ilang buwan na paghahanda, ibinahagi niya sa “Tonight With Boy Abunda” ang susunod niyang mga balak.

“May dream role po ako. Darna,”­ aniya kung sakaling babalik na siya sa pag-arte.

Pinagbigyan nga niya ang request ni Boy Abunda na isigaw ang pamosong transformation line ni Darna.

Halo-halo naman ang reaksyon ng mga netizen sa pangarap ng beauty queen. May mga nagsabing maganda siya at seksi subalit mas bagay sa kanya ang gumanap bilang Valentina.

Samantala, hanggang ngayon ay hindi pa pormal na inaanunsiyo ng Star Cinema kung sino ang napisil nilang maging Darna matapos buksan sa publiko ang audition nitong Abril.

Ang Darna movie ay inanunsiyo taong 2015 at si Liza ang unang napiling gumanap. Sa kasamaang palad ay nag-back out ang aktres dahil sa natamong finger injury sa set ng bagani. (Ronaline Avecilla)