HAVEY: Buti na lang at mukhang tahimik na ang mundo ngayon ni Jason Abalos pagkatapos niyang masangkot sa isang isyu na hindi niya ginusto.

Nang mapagtanto ang mga bagay-bagay, ­hinarap niya ang kanyang sitwasyon nang tahimik at humingi ng tulong sa Diyos, pamilya at mga kaibigan.

May mga lawyer, doktor at pari siyang kinonsulta. Mula sa kanila’y natuto si Jason at na­ging­ maingat, maayos at mabuti­ na.

Ang isang magandang naganap ay gumugol ng oras si Jason sa kanyang pamilya sa Nueva Ecija at pagkatapos, sa pamilya­ ni Vickie Rushton sa ­Bacolod.

“OK naman na po, nandito ako kina Vickie no’ng Friday pa. Kina­usap ko po siya nang masinsinan at pati na rin po ang Mommy niya.

“Nagpapasalamat po ako sa grabeng pagmamahal nila sa akin,” sabi ni Jason na maluha-luhang nagkuwento ng pag-aayos ng kanyang buhay.

Ngayon, career at trabaho na lang muna ang aasikasuhin ni Jason at ang pagpaplano ng ­buhay nilang magkasama ng kanyang mahal na si Vickie Rushton.

***

MARK BAUTISTA
MARK BAUTISTA

WALEY: “Sobrang nakakatakot, Kuya Noel,” text ng singer na si Mark Bautista na labis ang pasasalamat sa Panginoon na ligtas sila ng kanyang kasamahang Uber driver matapos silang pagbabarilin ng isang “young black guy” sa Seattle, Washington, USA.

Nangyari ang insidente noong Lunes nang gabi, June 5 (Washington time).

Sa kanyang Instagram post noong isang araw, ipinakita ni Mark ang larawan ng sasakyan ng unidentified gunman na nagpaulan ng bala sa kanilang sasakyan.

Ipinakita rin niya ang mga tama ng bala ng nasakyan niyang Uber car.

Sa kuwento ng singer-actor, nakatakas ang gunman ngunit nakuhanan ito ng video ng driver ng sinasakyan niya.

Dagdag pa niya, “Naalala ko, isang tao holding two guns… nakita ko pa lumalabas mga bullets sa baril while firing.”

Naibalita na sa ilang news sites sa Amerika ang shooting incident.

Kasalukuyang nasa USA si Mark para sa ­staging doon ng Here Lies Love musical.

Hopefully ay magkikita kami bukas. Susubukan niyang sumama sa amin sa concert ng New Kids On The Block, Boyz 2Men at Paula Abdul na 50 steps lang mula sa Seattle Performing Arts Theater kung saan siya nagtatanghal.

Nang kumustahin namin siya at hingan ng dagdag na detalye sa kanyang sinapit kamakalawa, heto ang nasabi ni Mark, “Kuya Noel, I cried when I woke up.

“Di na kasi ako dapat tumuloy. Hesitant ako kasi it’s our rest day but still I went to support the cast, and I shared an uber with different people… not the original plan…

“It could have been a different story. May mas worst or I dunno.”

Sabi ko kay Mark, kalma na lang muna, at marami pa siyang dapat gawin sa kanyang buhay.

Pasalamat na lang sa Diyos sa kanyang panibagong buhay. At gamitin itong memorable na sitwasyon upang lalong bigyan halaga ang buhay at ang mga plano at gagawin pa niya sa mga susunod na araw.

Nakatakda kong panoorin siya ulit sa Here Lies Love na nasa extension run na hanggang next week na lang.

***

For your comments, opinions and contributions, you can DM me on IG and tweet me at @iamnoelferrer.