Victolero, Compton diskarte ang puhunan magkaribal!

Galit-galit muna ang dating backcourt partners na sina Alex Compton at Chito Victolero pagdating ng PBA Governors’ Cup Finals.

Mag-uunahan ang dalawa sa paghabol sa breakthrough title sa pro league umpisa sa Dis. 5 sa MOA Arena.

Dating tandem ang dalawa bilang playma­kers ng Manila Metrostars sa inaugural season ng MBA noong 1998. Si Ricky Dandan ang coach.

Ngayon ay pareho na silang coaches sa PBA, si Compton sa Aces at si Victolero sa Pambansang Manok Hotshots.
Hindi lang silang da­lawa ang may pinagsamahan.

“Si PJ (Simon) teammate ko pa ‘yan sa 2002 Jones Cup,” pagbubulgar ni Compton sa veteran guard ng Magnolia.

Pareho ng palabiga­san na depensa, walang itulak-kabigin sa dalawa sa tatakbuhin ng best-of-seven series.

“Wala akong naki­kitang advantage namin, pero wala rin naman akong nakikitang disadvantage,” ani Victolero sa pre-finals press conference sa Sambokojin sa Eastwood Martes ng tanghali.

“Pero siyempre, positive kami na kaya namin kunin ang championship.”

Siyempre pa, ayaw ding magbigay ng prediksiyon ang Alaska tactician.

“I have no idea,” sagot ni Compton. “What do I know? I expect a great series.”

Hinimay ng coach ang haharapin nila sa kabila.

“About the player matchup, alam natin lahat magaling si Paul (Lee), si Jio (Jalalon), si Mark (Barroca), si Ian (Sangalang), si PJ at si Romeo Travis,” paliwanag ni Compton. “But how they’re playing as a team is the bigger issue.”

Suwabe raw sa magka­bilang dulo ng court ang Magnolia, parang ayaw nang i-review ni Compton ang tapes ng nakaraang games ng katunggali.

Pitong beses nang nagtapat sa kampeonato ang magkatunggali, lamang ang Purefoods franchise, 4-3.

Huli silang nagtagpo noong 2010 Philippine Cup Finals, winalis ng Purefoods sa ilalim ni coach Ryan Gregorio ang Aces na hawak pa noon ni coach Tim Cone.

Sina Sonny Thoss ng Aces at PJ Simon ng Hotshots na lang ang naiwang players sa showdown na ‘yun.