Victolero vs Compton ibang putahe sa Govs finale

Wala ang mga pamilyar na mukhang Ginebra at Meralco sa PBA Governors’ Cup Finals.

Sa nakaraang dalawang taon ay Gin Kings at Bolts ang nagbuno sa championship round ng season-ending conference, at parehong iniuwi ng Gins ang titulo.

Ngayong edisyon ng torneo ay ibang putahe naman.

Sa semifinals ay sinipa ng Magnolia Pambansang Manok Hotshots ang Ginebra, bago pinag-impake ng Alaska Aces ang Bolts. Parehong sa 3-1 tinapos ng dalawa ang serye.

At naihulma ang title showdown ng Hotshots at Aces.

Tagisan ng estratehiya sina Alex Compton at Chito Victolero, dalawang defensive-minded coaches ng liga.

Dati nang nagsama sa iisang team sina Compton at Victolero – bilang backcourt duo ng Manila Metrostars sa inaugural year ng Metropolitan Basketball Association noong 1998. Si Ricky Dandan ang coach nila.

Pang-walong title showdown na ng dalawang prangkisa, pero una sapul nang talunin ng Purefoods ang Alaska sa pitong laro noong 2010 Philippine Cup.

“It’s gonna be a battle, an absolute battle,” diin ni Compton pagkatapos ng series-clinching 99-92 win ng Aces kontra Bolts sa Cuneta Astrodome Sabado ng gabi.

“Magnolia is playing well, everybody’s clicking. They have a great coach and they have great players,” dagdag ng coach.

Magandang abangan ang sabong nina Mike Harris ng Alaska at Romeo Travis ng Magnolia, parehong eksplosibo at masipag na import.

May 17 araw na pahinga ang magkatunggali bago umpisahan ang hostilidad sa Dis. 5. Break muna ang PBA para bigyang-daan ang fifth window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Nob. 30 at Dis. 3.