Ipinakilala na nga kagabi ang pinakabagong tagapagtanggol sa GMA Telebabad–si Victor Magtanggol. And true enough, pinagbunyi ito ng mga manonood dahil nabighani agad sila sa pang-world class na mga special effects na ipinakita sa serye at siyempre sa bigating cast ng telefantasya na pinangungunahan ni Alden Richards.
Sa social media, maaga pa lang ay trending at usap-usapan na agad ang pagsisimula nito pagkatapos ng 24 Oras. Masaya sila sa pagbabalik ng Pambansang Bae sa primetime dahil hindi raw sila nabigo sa pag-aabang. Talagang pinaghandaang mabuti ang lahat ng aspekto ng programa.
Humanga rin sila sa pagiging unique ng istorya nito kaya naman looking forward din sila sa mga challenge na kakaharapin ni Victor kapag napasakanya na ang Mjolnir at nag-transform bilang si Hammerman.
Congratulations Alden!
***
Liza, Janella, Anne wagi sa puso ng Clique V
Humahataw ang Clique V ng 3:16 Events and Talent Management Company managed by Len Carrillo. Habang tumatagal ay lalo silang humuhusay sa pagpe-perform sa stage. Pinatunayan nila ito sa blessing ng opisina ng Abante Tonite, TNT at Abante. Hiningan sila ng more.
Ang Clique V ay binubuo nina Marco, Karl, Rocky, Sean Josh, Clay, Timmy, Blaize, Kaizer. Nang tanungin kung sino ang showbiz crush nila, karamihan sa miyembro ay si Liza Soberano sa puso nila. May isa naman na ang pinili ay si Janella Salvador at ‘yung isa ay si Anne Curtis. Pangarap nila na makasama sa proyekto ang mga nabanggit na aktres.
Kontento ang Clique V sa nangyayari sa career nila. Pagkatapos i-release ang kanilang album, MTV at nagkaroon ng concert sa Music Museum, sumabak naman sila ngayon sa pelikula na may tentative title na ‘Co-Dep’. Ito ay idinirek ni Neal Tan.
Hindi naman sumakit ang ulo ni Direk Neal dahil sumabak ang Clique V sa acting workshop sa PETA.
Bongga ang Clique V dahil kahit abala sa mga showbiz commitment prayoridad pa rin nila ang pag-aaral.
Binibigyan nila ito ng oras. ‘Yun din ang gustong mangyari ni Ms. Len na ‘wag pabayaan ang pag-aaral nila.
Talbog!
***
Marshy pang-derby ang kaseksihan
Panlaban ng Guiguinto, Bulacan si Marshy Chaudhry sa Miss Global Philippines 2018. Panis ang kagandahan at kaseksihan ng ibang kandidata sa kanya na pang-derby talaga.
Siya ay isang Filipina-Pakistani at graduate ng Bachelor of Science in Nursing. She dreams to be an inspiration by giving hopes to the unwell. She joins pageant to portray a purposeful role of a beauty queen.
***
ABS-CBN TVplus may limang bagong channel
Mas marami na ang mapagpipilian na mga programa ang pamilyang Pilipino dahil may handog ang ABS-CBN TVplus, ang unang digital terrestrial television (DTT) service sa bansa, na limang bagong channel sa Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna, at Metro Cebu simula kahapon, Lunes, Hulyo 30.
Dagdag sa channel lineup ng ABS-CBN TVplus ang dalawang bagong exclusive channel na Asianovela Channel at Movie Central na may kasama pang MYX, Jeepney TV, at O Shopping.
Permanenteng magiging libre ang O Shopping na isang home TV shopping channel, samantalang naka-free trial naman ang apat.
Ang Asianovela Channel ang una at natatanging channel sa digital free TV na handog ang iba’t ibang uncut classic at blockbuster Asian dramas at movies na naka-dub sa Filipino.
Ipapalabas sa bagong channel ang mga popular at award-winning na TV series tulad ng ‘Goblin’, ‘Love in the Moonlight’, ‘Sensory Couple’, at marami pang iba.
Ang Movie Central naman ang first all-English movie channel ng ABS-CBN na ekslusibo sa TVplus na maghahatid ng bigating mga Hollywood blockbuster mula sa iba’t ibang movie genre kabilang na ang action, drama, comedy, at romance.
Tahanan na rin ng Jeepney TV ang ABS-CBN TVplus para matunghayan ng mga pamilya ang mga classic Kapamilya show na tumatak sa kanilang puso. Bukod dito, may daily catch-up viewing din ng same-day episode sa Jeepney TV ng ‘Magandang Buhay’, ‘It’s Showtime’, at ‘ASAP’.
Tiyak din na magugustuhan ng mga music lover ang MYX, ang numero unong music channel sa buong bansa, dahil sa mga OPM at international music video nito na ipinapalabas 24/7.
Posible na rin na makapamili ang mga TVplus user sa kanilang tahanan dahil sa O Shopping na may maraming tampok na produkto.