Viernes nahilig sa NBA 2K20

Hindi maikakailang sabik na sa pagbabalik-laro si Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) star Jeff Alvin Viernes dahil maging video game ay kanyang napagtiyagaang pampalipas oras habang may Covid-19.

Suspendido ang 3rd MPBL Lakan Cup 2019-20 playoffs sapul noong Marso 12 dahil sa coronavirus pandemic kaya dinadaan na lang ng 31-taong-gulang, may taas na 5-7 na basketbolista sa munting video game ang kanyang basketball skills.

Sa huling Facebook post ng two-time league All-Star Game MVP, aliw siya sa paglalaro ng ‘NBA2K’, isang larong basketball sa computer o ibang gaming console kung saan nag-ankle breaker pa ang Isabela native cager.

Maging sa caption ng ex-pro cager lantaran at aminado siyang miss na niyang maglaro sa liga.

“Knockdown #anklebreaker2k20. Kaka-miss na maglaro sa MPBL,” bulalas nang naglaro na rin sa Philippine Basketball Association (PBA).

Nakapag-MVP na rin si Viernes sa PBA Developmental League. (Aivan Denzel Episcope)