Nagpatupad ng temporary ban ang Department of Agriculture sa mga karneng baboy at iba pang produkto na galing Vietnam dahil sa ulat na may outbreak ng African Swine Fever (ASF) sa nasabing bansa.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na inirekomenda ni Bureau of Animal Industry (BAI) Director Dr. Ronnie Domingo na pansamantalang ipagbawal ang pagpasok sa Pilipinas ng mga karneng baboy galing Vietnam dahil sa lumabas na ulat mula sa Taiwan na may nasabat silang mga karne mula sa naturang bansa na positibo sa ASF.
“I have ordered BAI to immediately effect the ban,” ayon kay Piñol.
Nauna rito ay iniulat ng Council of Agriculture ng Taiwan na positibo sa ASF virus ang mga karneng baboy mula sa Vietnam.
Ikinabahala ito ng Taiwan dahil nadiskubre ng kanilang mga awtoridad na kontaminado ng ASF virus ang mga meat product galing Vietnam pero walang inisyu na official notice o warning ang pamahalaan ng naturang bansa.