Vigilante group sa Caloocan umatake, 2 itinumba

Sa kabila ng masu­ngit na lagay ng panahon ay hindi nito napigil ang paghahasik ng lagim ng pinaniniwalaang vigilante group matapos na itumba ang dalawa katao na umano’y sangkot sa kalakaran ng ipinagbabawal na gamot sa magkahiwalay na insidente sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang isa sa mga biktimang si Cesar Pangan, 47-anyos alyas ‘Bucheng’ ng Block 10, Palosapes St., Silanganan Subdivision, Brgy. 167, Llano ng nasabing lungsod.

Ganap na alas-11:30 nang gabi mahimbing nang natutulog sa loob ng kanilang bahay ang biktima nang pwersa­hang pasukin siya sa silid ng limang kalalakihang armado ng hindi pa nalalamang mga kalibre ng baril na nakasuot lahat ng bonnet at walang habas siyang paulanan ng bala na agaran niyang ikinasawi.

Matapos ang pagpatay ay agad din umanong nagsitakas ang mga suspek lulan pa rin ng kanilang mga motorsiklo.

Ayon naman sa nakatatandang kapatid ng biktima ay aminado umano siyang sangkot sa kala­karan ng iligal na droga ang kapatid at sa katuna­yan ay nasa drug watch list umano ito ng Caloocan City Police Community Precinct (PCP) VI.

Samantala, ganap namang alas-10 ng gabi habang nasa loob din ng bahay ang isa pang biktimang si Ranie Garan, 37-anyos, truck driver, kasama ang kinakasamang si Eleanor Ibay sa Narra Street, Brgy. 168, Deparo ng nasabing lungsod nang pwersahan ding pasukin ng apat na mga kalalakihan ang kanilang bahay at pagbabarilin ng mga suspek na kagaya ng mga una ay nakasuot ng mga bonnet, nasawi agad si Garan habang agad namang tumakas ang mga suspek lulan ng dalawang motorsiklo.