Sunud-sunod na bumulagta ang pito kataong umano’y mga sangkot sa iligal na droga matapos pagbabarilin sa magkakahiwalay na lugar ng hinihinalang vigilante group sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Ayon sa report, pinakahuling pinatay ng alas-tres ng madaling-araw si Erwin Bernal, 45 ng No. 14 Pag-asa Street, Brgy., 147 Bagong Barrio sa kanilang bahay ng hindi kilalang ri­ding-in-tandem criminals.

Kinondena naman ng mga residente ang pagpatay sa biktima dahil isa umano itong mabait na tao subalit, ayon sa pulisya sangkot umano sa paggamit ng droga si Bernal at sumuko na ito sa Oplan Tokhang ng mga pulis.

Itinumba rin habang nakikipagkwentuhan sina Gerald Cruz, 33 at Gilbert Purgatoryo, 27, kapwa ng PNR Compound, Brgy., 73 sa eskinita sa PNR Compound nang dumating ang dalawang la­laki na nakasuot ng face mask at pinagbabaril.

Sa Bagong Silang, alas-11:40 ng gabi, nasa bahay ang biktima na si Henry Aribaca ng Phase 10B Package 5 Blk 63 Lot 11 nang pasukin ng mga armadong lalaki at pinagbabaril dahilan ng agad na kamatayan nito.

Alas-nuwebe ng gabi, naglalakad sa Phase 6 si Ranalyn Dangcalan, 36 ng Brgy., 178, Camarin nang pagbabarilin ng riding-in-tandem. Kilala umanong gumagamit at nagbebenta ng iligal na droga si Dangcalan.

Subalit bago itinumba si Dangcalan ay binaril din sina Valentino Naraga ng Brgy., 186. at Lucas Padlang na pinaniniwalaang mga vigilante sa lungsod na pumupuntirya sa mga sangkot sa operasyon ng iligal na droga.