Tanging ang mga may pansariling interes lamang ang makikinabang sakaling maisabatas ang rice tarrification bill ni Senator Cynthia Villar, asawa ng real estate tycoon na si dating Senate President Manny Villar.
Babala ng Federation of Free Farmers (FFF), mawawala ang licensing at monitoring functions ng National Food Authority (NFA) sa ilalim ng panukala ni Senador Villar na maaaring ikabuwag ng tanggapan.
Ayon kay FFF President Ruben Presilda, mapanganib ang pagbubuwag sa NFA para sa mga consumer at rice producer dahil mas madaling makakapagsabwatan ang mga malalaking traders sa isa’t isa at laruin ang presyo ng palay at bigas para tumiba sila ng mas malaki.
Mahihirapan, aniyang lumaban pati ang mga maliliit na trader dahil kung gusto nilang makalaban sa malalaki, mahigit sa isang bilyong piso ang kailangan nila para lang masuplay ang isang araw na pangangailangan sa Metro Manila.
Dagdag pa ni Presilda, maraming real estate properties ang NFA na maaring pag-interesan ng ibang mga negosyante. Maganda at strategic ang kinalalagyan ng properties ng NFA na nasa mga highway na maaaring pagtayuan ng mall, condominium at iba pang mga building sakaling mabuwag ang NFA at ibenta ang mga ari-arian nito.
Sabi ni Presilda, madadagdagan din ang mga bukirin na maaring i-convert para sa housing sakaling tuluyan nang malugi ang mga magsasaka at mapilitang ibenta ang kanilang mga lupa.
Si Senator Villar ay ang pinakamayamang senador at ang anak niyang si Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar ay ang isa sa pinakamayayaman sa gabinete. Real estate ang pinakanegosyo ng mga Villar at marami sa kanilang mga housing project ngayon ay nakinabang sa pagcoconvert ng bukid sa housing.
Sabi ni FFF national manager Raul Montemayor, kung bubuwagin ang NFA dahil sa korapsyon kung saan P8 bilyon ang nawawala sa pamahalaan, bakit hindi na lang din buwagin ang Bureau of Customs kung saan P300 bilyon ang nawawala taon-taon.
At kung susundin pa rin ang ganoong pag-iisip, bakit hindi na lang din buwagin ang kongreso at senado dahil P10 bilyon ang nawala dito dahil sa pork barrel scam, sabi ni Montemayor.