Villar mall nilimas ng Termite Gang

Aabot sa P7 mil­yong halaga ng pera at mga gadget ang nata­ngay ng isang grupo ng mga magnanakaw na binansagang Termite Gang, matapos pasukin at pagnakawan ang tatlong puwesto sa loob ng isang mall sa Balanga City, Bataan na pag-aari ng pamilya Villar, kamakalawa ng umaga.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dumaan ang mga suspek sa isang kanal patungo sa loob ng Vista Mall na kinaroroonan ng Core Pacific Money Exchange, Camella Homes Office at All Shoppe department store.

Nadiskubre lamang ang pagnanakaw nang pumasok na sa kanilang trabaho noong Sabado ng umaga ang mga empleya­do at natuklasan ang mga binutas na sahig ng kanilang establisim­yento na dinaanan ng mga suspek mula sa drainage system ng mall.

Ayon kay Balanga City Police chief Supt. Byrone Allatog, nakarekober sila ng hydraulic jack, bareta, lubid at iba’t ibang klase ng kable ng kuryente.

“They entered into the canal then made diggings until they hit the stockroom of All Shoppe department store,” ayon kay Allatog.

Sinira din ng mga suspek ang dingding ng Camella Homes Office sa ground floor ng mall para makapasok dito at nilimas ang mga dinatnan na isang laptop, think pad, dalawang Samsung gadget at isang Nokia cellphone.

Mula aniya sa stockroom ay nakarating din ang mga suspek sa iba pang lugar ng mall sa pamamagitan ng pagdaan sa air-conditioning duct system at nakuha sa vault ng All Shoppe ang mahigit P1.5 milyong halaga ng pera.

“We were wondering because the ­robbers ­almost knew the duct system on where they were going – from the treasury then to department store. (It was) ­almost systematic,” ayon kay Allatog.

Habang papaalis na sa department store ay kinuha rin ng mga suspek ang mga relong Timex na paninda doon at sumunod na pinuntahan ang Core Pacific Money Exchange na nasa ikalawang palapag ng mall.

Sinira ng mga suspek ang pintuan ng money exchange pati na ang drawer at tinangay din sa mini-vault nito ang P3.1 milyong halaga ng pera, at iba pang currency katulad ng USD29,601; 60,000 Japan yen; 150 Australian dollars; 350 Hong Kong dollars; at 7,900 Saudi real.

“Total loot is more than PHP7 million,” sabi ni Allatog.

Batay aniya sa CCTV footage, nasa tatlong tao ang nanloob sa mall dakong alas-12:00 ng hatinggabi noong Biyernes at tumakas bandang alas-tres ng mada­ling-araw ng Sabado.

Kabisado aniya ng mga suspek kung saan pupunta sa loob ng mall at tumakas ang mga ito sa pamamagitan ng pagdaan ulit sa drainage system.

Hinala ni Allatog na ang mga suspek ay dating mga minero sa Cordillera kaya nakikipag-ugnayan na sila sa intelligence community ng pulisya sa Cordillera Region. (Jojo Perez/PNA)