Villar tinawag na land grabber‘ sa Camella website

Na-hack ang website ng Camella Homes ng bilyonaryo at dating senador na si Manny Villar kung saan binansagan siyang land grabber, para magparating ng mensahe.

Ayon sa mga hacker, alam naman ni Villar na maraming nasunugan sa Mandaluyong kamakailan at marami ang lumikas at nasa evacuation center kaya imposible ang social distancing.

“To the richest man and known land grabber who owns Camella land and Vistaland, may you please help those people and give them some houses or facilities that will ensure their safety from COVID- 19,” mensahe pa ng mga hacker.

Nag-iwan din sila ng mensahe para kay Senator Cynthia Villar. Pinakiusapan nila si Sen. Villar na tumigil na sa pagmamaliit sa middle class at tumulong sa mga tao ngayong panahon ng pandemya dahil hindi nakatutulong ang kanyang pinagsasasabi.

“To Mrs. Villar please stop on making trash statements about middle classes and start helping people in this time of pandemic. Your statements aren’t helping the country, thus makes people more disappointed on voting you as senator,” sabi ng mga hacker.

Nakahashtag na #StopMoneyMaking at #StartGenuineHelp din ang mensahe kung saan binati pa ng hackers ang Philippine Hacking University, Alita, ph.soull, at ifmz.

Si Villar na ang pinakamayamang tao sa Pilipinas. Dati siyang senador at House Speaker. Ang anak nitong si Mark Villar ang secretary ng Department of Public Works and Highways habang ang asawa nitong si Emmie Aglipay-Villar ay nasa Department of Justice (DOJ ) kung saan pinaplantsa ang legalidad ng mga galaw ng administrasyong Duterte.

Si Villar din ang may ari ng Primewater at si DPWH Secretary Mark Villar ang chairman ng National Water Resources Board. (Eileen Mencias)