“Exaggerated.” Ito ang reaksyon ni Senador Cynthia Villar kaugnay sa ulat na sangkot ang kanilang kompanya sa pagpapatag ng bundok sa Boracay sa gitna ng ipinatutupad na rehabilitasyon sa isla.
Ayon kay Villar, napuntahan na nito ang lugar at wala namang bundok na pinapatag at sa halip ay flat na area na mismo ito.
“Walang bundok. It’s just a flat land, exaggerated lang ang report,” saad ni Villar.
Sa opisyal namang pahayag ng Vista Land & Lifescapes, Inc. sa pamamagitan ng kanilang chief legal counsel na si Ma. Nalen SJ. Rosero, iginiit na nakatugon sila sa mga kinakailangan para sa kanilang proyekto sa Boracay.
“As early as February this year, we have slowed down our development works, & have accordingly reduced the number of equipment and workers, in the area,” pahayag ni Rosero.
Kasabay nito, binigyang-diin na hindi bahagi ng kanilang project site ang mga larawang nauna nang lumabas.
Ipinaliwanag pa na ang kanilang proyekto ay isa nang resort na mayroon nang mga pasilidad kasabay ng paniniyak na katuwang sila ng gobyerno sa pagbibigay proteksyon sa kalikasan.
Una nang lumabas sa social media ang pagpapatag ng bundok sa Barangay Yapak, Boracay para umano sa proyekto ng Costa Vista.