Viral sa social media dahil sa COVID-19

May mga gabing hindi makatulog ng maayos ang 23 anyos na si Ariane Tee Khey. “Physically, ok na ako. Pero ‘yung mga pagsubok and all, lumalaban pa rin ako mentally.”

Survivor ng Covid-19 si Ariane. Hindi biro ang kanyang dinaanan kaya’t hindi ganoon kadali sa kanya para ito ay kalimutan.

Naranasan niya kasi ang pagkapahiya at diskriminasyon nang malaman niya sa social media na siya pala ay Covid-19 positive.

Inanunsyo kasi ng kanilang lokal na pamahalaan na may positibo sa kanilang lugar at ang lahat ng pagsasalarawan ay nagturo sa kanya. Nang malaman ng kanilang mga kakilala, hinusgahan na siya at ang kanyang pamilya, lalo na sa social media.

Kaya naman nang maospital siya, panay ang iyak niya, hindi lamang dahil sa hiya, kung hindi dahil sa pag-aalala sa kanyang sariling buhay lalo na at may 6 na taong gulang siyang anak.

Ang mga heath care workers sa ospital ang nagpalakas ng kanyang loob. Binigyan siya ng pag-asa at doon niya naisipang gamitin ang medium na nagpabagsak sa kanya para muli siyang makabangon.

“I took to social media to spread positivity. Naisip kong tama ang sinabi ng mga nurses sa akin na imbes na malungkot ako at matakot sa nangyayari sa akin, dapat magpaka-positive ako. Nag-download ako ng Tiktok at nagsimula akong gumawa ng mga videos kahit naka-IV pa ako.”

Nag-viral ang mga Tiktok videos ni Ariane at nagbigay ito ng dagdag na lakas sa kanya para lumaban sa Covid-19

Ngayon, magaling na si Ariane, at walang nahawa sa kanyang pamilya. Hindi pa rin mawala sa isipan niya ang panahong sinundo sila ng ambulansya sa bahay.

“Bangungot talaga ang Covid-19. Mahirap siya physically, emotionally and mentally. Napakahirap din nito para sa mga doktor at nurses kaya’t pahalagahan natin sila. Noong nasa ospital ako, nakita kong tumatagaktak ang mga pawis nila sa suot nilang PPE pero hindi sila nagpapakita ng yamot at pagod. Sila rin ang nagbigay ng pag-asa sa akin – na kaya kong lumaban sa Covid-19 at sa mga taong hindi nakaunawa sa aking pinagdaanan.”