Kasalukuyang mino-monitor ng Department of Health (DOH) ang 11 Koreano na dumating sa Boracay galing Daegu, South Korea.
Bukod sa China na siyang pinanggalingan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), nakapagtala rin ng maraming kaso ng naturang sakit sa Daegu na pinaniniwalaang kumalat mula sa isang religious group sa naturang lungsod.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang 11 Koreano ay kabilang sa 26 South Korean national na kanilang mino-monitor sa iba’t ibang panig ng bansa matapos bumiyahe sa Daegu.
Isinailalim umano sa monitoring ang mga nabanggit na Koreano mula nang dumating sila sa Pilipinas noong Martes pero wala pang inirekomendang mandatory quarantine sa mga ito.
Paliwanag ni Duque, itinuturing pa muna bilang persons under monitoring ang mga indibidwal na hindi pa nakikitaan ng mga sintomas ng COVID-19.
Samantala, naghigpit na rin ang mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa mga South Korean na dumarating sa bansa.
Kailangan umanong magpakita ng identification card ang bawat Koreano para patunayang hindi sila nanggaling sa North Geyongsang province, Daegu at Cheongdo upang maprotektahan ang mga Pilipino sa pagkalat ng COVID-19. (Armida Rico)