Tumakas ang isang 51-anyos na babae na nagpositi­bo sa Coronavirus Diseases 2019 (COVID-19) sa isang pagamutan sa San Juan City makaraang ililipat na sana sa isang ospital sa Quezon City, Huwebes ng gabi.

Batay sa nakalap na report mula kay Police Col. Jaime Santos, hepe ng San Juan Police, nakatakdang ilipat ang isang COVID-19 patient sa pagamutan sa Quezon City, kasama ng ilang tauhan ng city health official at San Juan Police nang biglang tumakas ang carrier sakay ng kanyang sasakyan.

Ayon sa escort na tauhan ng San Juan Police, umabot ng halos dalawang oras na habulan bandang alas-5:30 ng hapon hanggang umabot ng alas-7:30 ng gabi sa EDSA at ilang sulok ng Maynila sa nangyaring habulan sa pagitan nila at ng pasyente na umano’y hindi matanggap na nagpositibo siya at nagawang tumakas.

Nahuli naman ang carrier at kusang loob na sumuko nang makarating na sa St. Lukes sa Makati. Plano umano nitong lumipad patunong South Korea.
Ayon sa mga escort, hindi umano matanggap ng carrier na positibo siya at sinabing siya na lamang ang maghahanap ng hospital na maggagamot sa kanya kaya despe­rado ang babae na maghanap ng ospital at hindi umano niya intensyon na tumakas.

Samantala, dalawang magkapatid na babae na pawang persons under investigation (PUI) sa sakit na COVID-19­ ang tumakas sa kanilang quarantine facility sa Sarangani province noong Huwebes upang tumungo ng Manila para makasakay ng eroplano papuntang Japan.

Ito ang inihayag kahapon ng Police Regional Office (PRO) 11, kung saan patuloy pa nilang pinaghahanap ang magkapatid na babae na PUI sa COVID-19.

Napag-alaman na ang magkapatid ay nagtungo ng Davao City upang makasakay ng pang umagang flight ng eroplano patungong Maynila para makabiyahe ng Japan. (Vicky Aquino/Edwin Balasa)