Malaki ang posibilidad na tumagal pa hanggang sa Enero 2021 kapag hindi natugunan ng tama ng gobyerno ang dinaranas na krisis sa COVID-19.
Ito ang inihayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, base sa isinagawang pag aaral ng mga eksperto.
“Ang ating mga estimation galing po ‘yan sa ating mga scientist, sa mga mathematician. Nagkaroon po tayo ng tatlong modelling estimates na ginawa kung saan ang timeline ranged from hanggang third quarter of the year and maybe worst case scenario base sa kanilang pag-aaral ay next year po ng January. But these are all estimations,” ayon kay Vergeire sa isang virtual press briefing.
“Ito’y mangyayari kung wala tayong gagawing intervention,” dagdag pa nu Vergeire.
Sa Pilipinas , dahil wala pang vaccine laban sa COVID19, kaya ang tinuturing panlaban sa virus ay social distancing, palagiang paghuhugas ng kamay, para mapigil ang pagkahawa sa virus.
Nabatid na posibleng umabot sa 6 hanggang 18 buwan bago makagawa ng vaccine laban sa bagong strain ng coronavirus at maipamahagi sa publiko.
Nabatid na hangang kahapon, umabot na sa 4,932 nagpositibo sa COVID-19,kung saan 315 ang nasawi.
Una nang sinabi ni Vergeire na kaya nang magsagawa ng 3,000 COVID 19 test kada araw.(Juliet de Loza-Cudia)