Mag-isang namatay si Nida Paqueo sa ospital noong Marso 11 dahil naka-isolate din ang kanyang asawa dahil sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Kuwento ng anak niyang si Liza sa Facebook post, na-cremate ang kanyang inang si Nida na mag-isa na walang nakabantay at lubos ang pagkalumbay ng kanilang ama na si Vic na mag-isa ring nasa isolation sa ospital.
Sabi ni Liza, pinayuhan silang tatlong magkakapatid na nasa Amerika ng kanilang ama na huwag nang umuwi ng Pilipinas para sa kanilang kaligtasan.
Ayon kay Liza, malusog at malakas ang kanyang inang 67 taong gulang bago ito nagkasakit at tuluyang pumanaw. Marso 5 pinasok sa ospital ang ina niyang si Nida at doon lumala ang kanyang kalagayan. Marso 7 naman pinasok sa ospital ang asawa nitong si Vic.
Dagdag niya, Marso 11 nang mamatay ang kanilang ina dahil sa impeksyon ng COVID-19 at noon lang din nalaman na may katulad na virus din ang kanilang ama.
“Nabanggit ko sa umpisa na hindi kami umuwi sa Pilipinas ng nakaraang taon at maski ninanais namin na umuwi ngayon upang makasama ang aming ama, ay hindi namin magawa dahil sa payo niya. Iniisip niya ang kabutihan ng madla,” sabi ni Liza.
Sa kanyang FB post, sinabi ni Liza na lahat ng kanilang kaibigan at kamag-anak na nakahalubilo ng kanyang mga magulang ay naka-quarantine na ngayon at tumutulong ang kanyang ama sa Department of Health para maagapan ang pagkalat ng COVID-19.
Hanggang ngayon ay walang nakakaalam kung paano nagka-COVID-19 ang kanyang mga magulang.
Nanawagan si Liza sa sinumang nakasalamuha ng kanyang mga magulang mula Pebrero 29 hanggang Marso 11 na pakiramdaman ang kanilang mga sarili at mag-self quarantine ng 14 na araw. At sakaling may lagnat sila o ubo, dumulog na sila sa DOH na tinutulungan ng kanyang ama na maglatag ng mga protocol para labanan ang pagkalat ng COVID-19. (Eileen Mencias)