Virus palusot ng PAL para makapag-endo

Ginagamit lamang ng Philippine Airlines (PAL) ni Lucio Tan ang isyu sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) para matanggal ang mga empleyado at mai­patupad ang contractualization.

Ayon sa Partido Manggagawa (PM), ang sinibak na 300 manggagawa ng PAL ay pagpapatuloy lamang ng outsourcing plan na sinimulan noon pang 2009.

“Since 2011 PAL has been laying off re­gular employees and outsourcing the work to contractors who hire endo workers. PAL is just using the COVID-19 travel ban and alleged financial losses as alibi for the ­latest round of contractualization at the flag carrier,” ani Rene Magtubo, pinuno ng PM.

Giit din ng grupong Defend Jobs Phi­lippines, palusot lang ang COVID-19 loss dahil end of contract scheme at pagpapahina ng unyon ng PAL ang tunay na mga rason kaya nagtanggal ng mga empleyado si Tan.

Nitong Linggo ay pinuri ng Philippine Airlines Employees Association (PALEA-ITF) ang Singapore Airlines at Cathay Pacific dahil sa ginawa nilang hakbang kaysa magtanggal ng empleyado.

“In Singapore Airlines (SQ) the airline executives and managers do the sacrifices by having pay cuts, in Cathay Pacific (CX) it is leave without pay of staff while in PAL, the workers suffer retrenchment or separation from the company,” hayag ng PALEA-ITF sa Facebook post noong Marso 1, 2020.

“It pains that workers’ (sic) become the sacrificial lamb during crisis?” wika pa nito.

Simula Marso 1, 2020, may 15% pay cut si Singapore Airlines CEO Goh Choon Phong at ang kanyang board of directors; 12% sa mga executive vice president; at 10% kaltas sa mga senior vice president.

Samantala, may 7% pay cut naman ang mga divisional president simula Abril 1 habang 5% pay cut naman ang tatama sa mga senior manager ng airline mula Mayo 1.

Kaiba ito sa desisyon ni bilyonaryo ­Lucio Tan nitong Sabado, Pebrero 29, na sibakin ang nasa 300 empleyado ng PAL dahil aniya sa gastos ng kompanya sa coronavirus outbreak at sa naging lugi nito noong 2019.

Kinumpirma ng PAL na umaabot sa P10.6 bilyon ang kanilang lugi noong 2019 at inaasahang mas malaki ngayong 2020 dahil sa pagputok ng Bulkang Taal at sa coronavirus outbreak na nagpakansela ng maraming flight. (Riley Cea)