Bukod sa paniki na sinasabing pinanggalingan ng nakamamatay na novel coronavirus o nCoV, may mga lumalabas ding ulat na nag-leak o sumingaw ito mula sa isang biosafety laboratory sa Wuhan, China.
Itinayo ang biolab sa Wuhan para magsagawa ng mga pag-aaral hinggil sa mga pinakamapanganib na pathogen (virus o microorganism) sa buong mundo na nagdudulot ng sakit.
Ang lungsod ng Wuhan ang sentro ng kumakalat na nCoV. Kasalukuyan itong naka-lockdown para hindi makalabas-masok ang mga naninirahan sa siyudad habang hinahanapan ng lunas ang nCoV.
Noong 2017, bago sinimulan ang pag-eeksperimento sa Wuhan biolab ay naglabas ng isang artikulo ang Nature, isang prestihiyosong science journal, kung saan ibinabala nito na posibleng mag-leak sa naturang laboratoryo ang mga pinag-aaralang pathogen.
Mayo 2019 naman o ilang buwan bago nagkaroon ng nCoV outbreak ay inihayag ng US Center for Disease Control and Prevention na kabilang sa mga pinag-aaralan sa Wuhan biolab ay mga virus na nagdadala ng SARS, Ebola, avian influenza A (H5N1), at iba pang sakit.
Nabatid pa na ang Wuhan biolab ay 20 milya lamang ang layo mula sa seafood market kung saan unang naitala ang mga nagkasakit sanhi ng nCoV.
Wala pang opisyal na pahayag ang gobyerno ng China hinggil sa mga ulat na ito, partikular sa hinalang nag-leak ang Wuhan biolab kaya nakalabas ang virus na siyang pinanggalingan nCoV.(Dolly Cabreza)