Vlogger Marcos pinapakanta ng NBI: Bilyonaryo shoemaker padrino ng sex gang

Ni Nancy Carvajal

Isang bilyonaryong nagmamay-ari ng pagawaan ng sapatos ang nasa likod umano ng social media personality na si Francis Leo Marcos o Norman Mangusin.

Bukod dito, may mga politiko, miyembro ng Philippine National Police at ilang kilalang personalidad kabilang ang mga miyembro ng media ang sinasabi ring protector at tagasuporta ni Marcos, ayon sa source ng online news site Politiko na nakakakilala kay Marcos.

“He has several financiers, but his biggest backer is an owner of a shoe factory,’’ ayon sa source na hindi na nagpabanggit ng pangalan sa takot na maresbakan.

Kaugnay nito, nabunyag din batay sa opisyal na dokumento na nakalap ng Politiko na hindi lamang rumaraket sa international sex ring si Marcos, kundi nagpapatakbo rin diumano ito ng prostitution den sa Pasay City at nambibiktima ng mga menor de-edad.

Samantala, inihayag naman ng National Bureau of Investigation (NBI) na may mga katulad na kaso kaugnay nito ang patuloy na bineberipika laban kay Marcos.

“Padagdag araw-araw yung kaso ni Marcos/ Mangusin at pabigat ng pabigat,’’ sabi ni NBI Eric Distor sa Politiko.

Base sa record ng NBI lumilitaw na noong November 2013 ay umaabot sa 20 kababaihan kabilang ang mga minor ang nasagip ng NBI Anti-human trafficking Division (NBI-AHTRAD) sa Fairy Touch KTV sa Roxas Boulevard.

Isa si Mangusin sa nakatala na nagmamay-ari ng bar habang isang Jessica Marquez ang recruiter at isang Rafael Lopera, “alias Daddy Raffy’’ ang bar manager.

Kinasuhan sina Marcos, Lopera at Marquez ng Anti-Trafficking and Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act subalit tanging si Lopera ang naaresto.

“Rescued inside the establishment were twenty women and most of them appeared to be minors based on the assessment of Social Welfare Officers. The minors were working as guest relations officer,’’ nakasaad sa dokumento.

Lumilitaw sa dental examination na ilan sa nailigtas na biktima ay mga minor habang nagtatrabaho bilang GRO sa bar ni Marcos.

Noong 2006, naglabas ang isang korte sa Maynila ng arrest warrant laban kay Mangusin dahil sa human trafficking na isang kaso na walang piyansa.

Base pa sa dokumento mula sa korte, si Marcos at iba pa ay nag-recruit ng anim na Pinay at pinangakuan na makakapagtrabaho sa isang resort sa Turkey. Pero bumagsak ito sa isang prostitution den sa Cyprus na pagmamay-ari ng isang sindikato.

Ang mga nagmamay-ari ng prosti den ay sina Ylmaz Taskin, Alih Ahiskal at isang Aihann, ayon sa Cyprus police.

Pinag-a-audition diumano ang mga biktimang Pinay kundi sa Hotel Vista sa Recto, Maynila ay sa Imperial Hotel sa Malate. Pinagbabayad din ang mga biktima ng $150 para sa visa.

Matatandaang inaresto ng mga operatiba ng NBI si Marcos sa Quezon City sa bisa ng arrest warrant bunsod ng diumano’y paglabag sa optometry law.