Volleyball sa SEA Grand Prix

Volleyball sa SEA Grand Prix

Nakatakdang maki­paghampasan ang national women’s volleyball Team sa 1st Southeast Asian Volleyball Grand Prix bilang tangi nitong exposure sa labas ng bansa at parte ng paghahanda para sa 30th Southeast Asian Games 2019 sa bansa sa parating na Nobyembre 30-Dis­yembre 11.

Napag-alaman sa Team Pilipinas Secretariat na nagsumite ang Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc. national women’s coaching staff ng 22 kataong women’s pool na pagpipilian ng player para torneo at magsi-SEA Games volleyball na gaganapin sa Rizal Memorial Basketball Court sa Malate, Manila.

Ang inaugural SEA Volleyball Grand Prix ay magiging taunan at paglalabanan ng apat na national teams ng Southeast Asian Zonal Volleyball Association (SEAZVA), ang regional governing body ng volleyball na affiliated sa Asian Volleyball Confederation (AVC).

Isasagawa ang torneo sa Setyembre 6-29 kung saan magsisilbing host ang Thailand habang kalahok ang Pilipinas, Indonesia at Vietnam.

Ang Thailand ang tanging nakalaro sa FIVB Volleyball World Grand Prix at FIVB Volleyball Nations League. Ang Indonesia, Phili­ppines at Vietnam ang nagsilbi namang host sa FIVB Volleyball World Grand Prix kahit ‘di pa nakalahok.

Sakaling may umatras sa apat na koponan ay papalit naman ang Kazakhstan at Chinese Taipei.

Ang torneo ang magsisilbi na ring training camp ng national women’s team upang magkasama-sama at magkaalaman ng laro sa pagnanais na makamit muli ang pinakaaasam na SEAG women’s volleyball gold medal na huling nakamit ng mga Pinay sa 1993 Singapore SEAG. (Lito Oredo)